Ilang nag-iimbestiga sa pamamaslang sa brodkaster sa Dumaguete nakakatanggap ng banta

Marty Go, ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2020 08:52 AM

Nakatanggap ng banta ang mga imbestigador ng National Bureau of Investigation na naka-assign sa kaso ng radio broadcaster na pinatay sa Dumaguete City, Negros Oriental.

Ayon sa spokesperson ng NBI Dumaguete na si Special Investigator Maria Contessa Lastimoso, may mga nag-surveillance umano sa kaniyang bahay pati sa kaniyang sasakyan. May nagmamanman din umano sa dalawa niyang mga kasama na investigator sa kaso.

Noong Lunes, ang isa nilang imbestigador umano ay sinundan ng riding in tandem at tinutukan pa ng baril. Pero hindi naman daw natuloy ang pagbaril.

Noong Miyerkoles naman, may natanggap na tawag ang kanilang opisina mula sa isang di nagpakilalang tao at pinagsabihan umano silang magdahan-dahan sa kanilang imbestigasyon.

Iniimbestigahan ng NBI ang pagpatay sa radio broadcaster na si Cornelio "Rex" Pepino sa Dumaguete noong Mayo 5.

Riding in tandem ang bumaril kay Pepino na kasama ang kaniyang asawa at pauwi na sana.

Sa nagpapatuloy na imbestigasyon napag-alamang isang government vehicle ang ginamit ng mga suspect bago sila nagpalit ng sasakyan.

Mismo ang Malacanang ang nag-utos sa PNP na dapat malutas ang kaso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.