Bus operators group: 14k provincial bus employees posibleng maalis dala ng limitadong operasyon

ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2020 05:25 PM | Updated as of Jun 20 2020 07:58 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Nanganganib na mawalan ng trabaho ang aabot sa 14,000 empleyado ng mga provincial bus company ngayong limitado ang operasyon ng mga bus habang may banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), ayon sa grupo ng mga bus operators. 

Ayon kay Alex Yague, pangulo ng Provincial Bus Operators Association of the Philippines, ito ay dahil sa mga inilalaang na mga requirement ng pamahalaan sa pagbabalik-operasyon gaya ng cashless payment at limitadong kapasidad sa loob ng sasakyan. 

Maaapektuhan aniya sa cashless payment ang aabot sa 8,000 konduktor ng mga bus na papasok sa Metro Manila. Una rin aniyang aaray ang mga maliliit na bus company. 

"Pagka-inimplement mo yung cashless payment, automatic na 8,000 konduktor yan sa buses entering Metro Manila, mawawalan agad ng trabaho yan," ani Yague. 

Nabanggit ito ni Yague kasabay ng anunsiyo ng Victory Liner na nagtanggal na sila ng mahigit 300 empleyado sa trabaho, at madadagdagan pa ito sa mga darating na buwan. 

Ang nabanggit din ni Yague tungkol sa cashless payment ay sinang-ayunan ni Aleks Briones, operations manager ng Victory Liner, na aminadong makakaapekto sa kanilang mga operasyon ang pagsasagawa ng cashless payment. 

“With the pandemic, so they are planning on going cashless pero siyempre yung downside nito for the transportation industry we will have to lay off roughy around a thousand employees. Those are mostly konduktors,” ani Briones. 

Pero ayon kay Transportation Secretary Arthur Tugade, mas makikinabang ang mga bus operator sa cashless payment at mababawasan umano ito ang pagkalugi at mapapadali rin ang pagkuwenta ng kinita. 

"Cashless payments will be beneficial to operators since it reduces pilferage and other losses. It also automates accounting and immediately provides ridership reports to the operator for analysis of its operations. This is a game-changer, as it enables the operator to further improve its service,” ani Tugade. 

Panawagan naman nina Briones sa pamahalaan na bigyan ng tulong-pinansiyal ang kanilang mga tsuper. 

“If they can help us slow things down a little bit when it comes to the modernization programs siguro, or help us financially, if there is a plan to subsidize these technologies na i-add namin, that will greatly help us, so if they can do that, sana magawan ng paraan,” ani Briones. -- Ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.