PatrolPH

Barangay chairman patay sa pananambang sa Caloocan

Henry Atuelan, ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2020 02:07 PM

Patay ang isang barangay chairman sa Caloocan City matapos tambangan ng 5 salarin na sakay ng motorsiklo nitong Sabado ng madaling araw.

Ayon kay Caloocan police chief Police Col. Dario Menor, ang biktima ay si Douglas Dilao, barangay chairman ng Barangay 151, Bagong Barrio.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, galing sa birthday celebration ng isang konsehal ang biktima.

Habang naglalakad ang biktima sa bahagi ng Progreso Street patungo sa barangay hall, sumulpot ang 5 naka-facemask na lalaki bago siya pinagbabaril sabay takas sakay ng motorsiklo.

Ayon sa mga awtoridad, patuloy pa ang imbestigasyon at inaalam ang motibo ng krimen.

Sa Facebook page naman ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan, ipinaabot nito ang pakikiramay sa pamilya ng biktima na aniya isa sa mga malapit niyang kaibigan.

Inatasan na rin ang Caloocan City Police na magkaroon ng mabilisang imbestigasyon, dagdag pa ng alkalde.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.