7 sa mga dumalo sa ‘despedida party’ sa Boracay, sinibak mula sa BFP

Cherry Palma, ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2020 04:57 AM

Tatlong superintendent at apat na non-commissioned officers ng Bureau of Fire Protection Region 6 ang tinanggal na sa kanilang pwesto matapos dumalo sa isang "despedida party" sa Boracay sa gitna ng coronavirus pandemic.

Pansamantalang ililipat sa BFP headquarters sa Metro Manila ang mga ito, ayon kay Fire Senior Insp. Stephen Jardeleza, spokesperson ng BFP 6.

"Still ongoing pa po ang investigation and this is part of the process na i-relieve po sila, pero physically hindi pa sila makaalis dahil paramount 'yung quarantine protocols na in-impose po sa kanila," ani Jardeleza.

Pinasibak na sa puwesto ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang isang BFP regional director matapos ang salo-salo ng 28 sa kaniyang mga tauhan sa Boracay, kung saan ang isa sa kalauna'y nalamang may COVID-19 pala.

Kasabay ng relief order, nagpalabas din ng order ang BFP national headquarters na nag-uutos ng pagbuo ng investigating team mula sa BFP main office.

Kasalukuyang nasa quarantine facility sa Iloilo City ang pitong BFP personnel.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.