Supplier ng shabu sa Calamba, patay sa buy-bust

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2019 10:18 AM

Patay sa buy-bust operation ang isa umanong main source ng illegal drugs sa Calamba City sa Laguna.
 
Ayon kay Police Lt. Col. Jack Malinao, hepe ng Calamba City Police, dead on arrival sa JP Hospital ang suspek na si Marco Magnaye, alyas Angko.

Isinagawa ang buy-bust operation madaling araw ng Huwebes sa Barangay Bucal pero bigla umanong bumunot ng baril ang suspek nang mahalatang pulis na ang kaniyang katransaksyon.

Mabilis naman nakaresponde ang back-up na mga pulis at nabaril ang suspek.

Dagdag pa ni Malinao, si Magnaye ang itinuturo ng mga sumukong sangkot sa illegal drugs na pinagkukunan nila ng shabu sa area ng Barangay Pansol at Bucal.

Nasa 25 gramo ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa suspek na nasa P100,000 ang halaga.

Narekober din mula sa kaniya ang isang kaliber .38 na baril.

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.