Sinibak na EPD chief posibleng humarap sa kasong kriminal

ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2019 07:05 PM | Updated as of Jun 20 2019 07:30 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Posibleng humarap sa kasong kriminal ang sinibak na direktor ng Eastern Police District (EPD) matapos umanong manakit ng babaeng pulis.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Police Gen. Oscar Albayalde, handa silang magbigay ng legal assistance kay Police Corp. April Santiago para sa paghahain ng kasong paglabag sa Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004 laban kay Police Brig. Gen. Christopher Tambungan.

"Kahit ano'ng galit mo, lalo na babae, lalo na tayo, we are gender-sensitive sa PNP, babae iyan, we never hurt women for that matter," ani Albayalde.

Inanunsiyo ni National Capital Region Police Office chief Police Maj. General Oscar Albayalde noong Miyerkoles ang pansamantalang pagtanggal kay Tambungan bilang direktor ng EPD.

Napag-alaman din ni Albayalde na 2 pulis din ang nauna nang nagsampa ng reklamo sa Ombudsman laban kay Tambungan.

Kinompronta ni Tambungan si Santiago noong Mayo 12 sa isang community precinct sa San Juan.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nang mabigo si Santiago na tulungan si Tambungan sa isang gawain, pinalo ni Tambungan ang policewoman sa ulo at sinalya ng pintuan ng sasakyan. Nakuhanan pa ng CCTV ang insidente.

Matapos ang insidente, inilipat umano ni Tambungan si Santiago sa EPD at sinampahan ng administrative case na refusal to assist.

Hindi rin umano pinag-day off si Santiago sa loob ng 3 linggo.

Noong Martes lang nalaman ni Eleazar ang umano ay pananakit ni Tambungan dahil natakot magsumbong si Santiago.

Nailipat na nitong Hunyo si Santiago sa Southern Police District.

Inilagay muna sa holding unit sa Camp Crame si Tambungan.

Sinubukan ng ABS-CBN News na kuhanin ang panig ni Tambungan pero hindi ito sumasagot sa mga tawag o mensahe.

-- Ulat nina Zhander Cayabyab at Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.