P500,000 halaga ng 'shabu' nasamsam sa QC buy-bust

ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2019 05:09 AM

MAYNILA - Nasamsam ng mga pulis ang nasa P500,000 halaga ng hinihinalang shabu sa buy-bust operation sa Fairview, Quezon City Miyerkoles ng gabi.

Nahuli rin ang 3 umano'y tulak, kabilang ang 56 anyos na tindero ng tsinelas.

Ayon kay Police Lt. Col. Benjamin Gabriel ng Quezon City Police District (QCPD) Station 5, inaresto ang mga suspek sa loob ng isang kotse kung saan nangyari ang transaksiyon.

Natagpuan sa isang bag ang 5 plastik ng umano'y shabu na may timbang na 70 gramo.

Dagdag ni Gabriel, umaabot umano hanggang Marikina bukod sa Quezon City ang operasyon ng mga suspek.

Itinanggi naman ng mga lalaki ang paratang laban sa kanila. Sasampahan sila ng reklamong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. - Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.