Agri chief: Mga mangingisda ng FB GEM-VER di tinakot

ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2019 03:15 PM | Updated as of Jun 20 2019 08:45 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi tinakot ang mga mangingisda para magbago ng pahayag ang mga ito kaugnay ng pagbangga umano ng Chinese vessel sa Pinoy na barkong pangisda, ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol.

Sa panayam sa DZMM nitong Huwebes, sinabi ni Piñol na hindi makatuwirang akusahan ang gobyerno ng pananakot para mag-iba ng kuwento ang mga mangingisda.

"Let me just correct the impression that there was any attempt on the part of the government or this administration to intimidate the fishermen to change their story or come up with a lie that is favorable to government," ani Piñol.

"That is unfair to well-meaning people in government right now," dagdag niya.

Wala rin umano silang kinalaman sa mga pulis na naka-full riot gear at wala ring security arrangement nang puntahan niya ang mga mangingisda sa San Jose, Occidental Mindoro noong Miyerkoles.

Matatandaang nagbitaw ng pahayag ang kapitan ng barko na si Junel Insigne matapos ang pagpupulong, at sinabing hindi na niya matukoy kung sinadya ngang banggain ng Chinese vessel ang kanilang bangka sa Recto Bank.

Humingi rin ng paumanhin si Insigne kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pahayag niya na hindi siya sisipot sa pulong kasama ito.
Nilinaw din niya na si Piñol pala ang dapat niyang makikita sa nasabing pulong.

Nagulat naman ang ilang mangingisda sa naging pahayag ni Insigne.

Nanghinayang ang mangingisdang si Anastacio sa pagbaligtad ni Insigne sa kaniyang unang pahayag. Sa pagbalik sa dagat, hindi niya maiwasang mangamba.

"Dapat manindigan sila na totoo nabangga sila, dapat hindi nila binago ang sinabi nila," ani Anastacio.

Kaba rin ang nararamdaman sa muling pagsampa ng baguhang maningisda na si Ronnel Roldan.

"Kinakabahan po kami baka kami ang mabangga eh. Sana po ‘wag naman ganoon," ani Roldan.

Sa ngayon, pinasasalamatan ni JP Gordiones ang nakuhang ayuda mula sa pamahalaan.

"Kung ano ang sinasabi ni kapitan, 'yun na lang, kami rin. Bahala na po 'yung gobyerno na gawin kung ano 'yung karapat-dapat," ani Roldan, na siyang nagsagwan ng 2 oras para makahingi ng tulong sa Vietnamese vessel.

Watch more in iWant or TFC.tv

‘DI PAGTULONG NG CHINESE VESSEL MAY PAGLABAG’

Ayon sa maritime analyst na si Lucio Pitlo III, malinaw na may naging paglabag ang Chinese vessel sa hindi pagtulong sa mga mangingisda ng GEM-VER.

“May obligasyon, may katungkulan 'yung kung sinuman sa anumang area na 'yun, kailangan mo mag-provide ng tulong,” ani Pitlo.

Mahalaga rin umanong maging basehan ang nangyari sa FB GEM-VER kung ano ang magiging panuntunan sa West Philippine Sea para hindi na maulit ang ganitong insidente.

Sang-ayon naman dito si Sen. Richard Gordon.

Aniya, aksidente man o intensiyonal ang pagbangga ay obligado pa ring tumulong ang mga sakay ng Chinese vessel.

"The issue is people are not supposed to be abandoned at sea. Whether it is an accident or intentional collision, is beside the point. The crux of the matter is you left the fishermen in peril of the sea,” ani Gordon.

Nakasaad sa Article 98 ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) na responsibilidad ng mga kapitan ng barko mula sa miyembrong bansa na magbigay ng tulong sa sinumang nasa peligro sa dagat.

Ayon naman kay Prof. Rommel Banlaoi, pangulo ng Philippine Society for Intelligence and Security Studies, dapat umanong magsagawa ng independent na imbestigasyon sa pagbangga ng barko kasunod ng mga paiba-ibang pahayag.

Aniya, alam ng lahat na may pansariling interes ang Pilipinas at China na posibleng makaapekto sa imbestigasyon dahil puwedeng mangibabaw ang relasyon ng dalawang bansa.

"Mahalaga talaga na mapanatili natin iyong pagkaibigan natin sa China, pero hindi naman dapat natin gawing excuse ang pakikipagkaibigan para i-cover-up ang nangyari," ani Banlaoi.

Dagdag niya, dapat may kredibilidad ang imbestigasyon para tingnan kung sinadyang banggain ang mga mangingisda.

Parehong inihayag ng gobyerno ng Pilipinas at China na iimbestigahan nila ang nangyari.

-- Ulat nina Raphael Bosano at Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.