Matinding kakulangan ng tubig sa Hunyo 22 pinangangambahan

ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2019 07:43 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinaghahanda ang publiko sa pinangangambahang matinding kakulangan sa suplay ng tubig sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan sa Sabado, Hunyo 22.

Ito ang resulta sa pulong nitong Huwebes ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), National Water Resources Board (NWRB), PAGASA, Maynilad, at Manila Water.

"They said daw, we should expect for the worst on Saturday," ani MMDA general manager Jojo Garcia.

Ibababa sa 36 cubic meters per second ang alokasyon ng tubig sa 2 water conessionaire bunsod ng patuloy na pagbaba ng antas ng tubig (water level) sa Angat Dam.

Naunang sinabi ng PAGSA nitong Huwebes na sa mga susunod na araw, posibleng umabot sa critical level na 160 metro ang antas ng tubig sa Angat Dam.

Umaabot sa hanggang 17 oras ang tagal ng water interruption na nararanasan ng 2 milyong kabahayan sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan.

Pinagsabihan muli ng MWSS ang Maynilad at Manila Water na tiyaking tama at nasa oras ang mga abisong ibinibigay nila sa mga kostumer.

Nangako naman ang mga concessionaire na susunod sila sa utos ng MWSS. Magpapakalat na rin daw sila simula Biyernes ng mga abiso sa barangay level.

Umapela rin si Garcia sa publiko na maging responsable sa paggamit ng tubig.

"Kailangan nating maging responsable sa paggamit ng tubig. Kung lahat ng mamamayan, nag-ipon ng tubig, magkakaroon ng hoarding, mauubos lalo iyong supply natin," ani Garcia.

Ang mga pamahalaang lokal ang magdedesisyon kung magdedeklara ng state of calamity sa kani-kanilang mga lugar, ayon kay Garcia.

Watch more in iWant or TFC.tv

IMUS MAY PINAKAMAHABANG SERVICE INTERRUPTION

Samantala, pinaghahandaan na ng lungsod ng Imus ang posibilidad na wala nang tubig na makarating sa kanila kapag sumadsad sa critical level ang Angat Dam.

Ang Imus ngayon ang nakararanas ng pinakamahabang water service interruption sa mga kostumer ng Maynilad.

"Kami dito sa lungsod ng Imus, we are preparing for the worst," ani Imus Mayor Manny Maliksi.

"Sana 'di magkaroon ng panic talaga na wala silang (mga residente) makukuha. Ang kailangan siguro talaga, makipag-coordinate siguro sa barangay," ani Maliksi.

Nawalan ng tubig simula alas-12 ng tanghali nitong Huwebes ang ilang bahagi ng Imus. Alas-5 ng umaga ng Biyernes pa ulit magkakaroon ng tubig, base sa abisong inilabas ng Maynilad.

Nakikipag-ugnayan na ang pamahalaang lokal sa Maynilad para sa mga water tanker sakaling umabot sa zero water ang suplay nila.

Pinayuhan ang mga residente na ngayon pa lang ay maghanap na ng alternatibong mapagkukuhanan ng tubig.

Nag-iisip na rin ang pamunuan ng Ospital ng Imus kung paano titipirin ang naipon nilang tubig dahil inaasahang maapektuhan ng service interruption ang kanilang operasyon.

"Siguro ang magiging isang adjustment namin diyan ay ang paglilimit ng mga bantay ng mga pasyente namin," ani Dr. Karen Moreno, administrador sa Ospital ng Imus.

"Puwede sigurong isang bantay, isang pasyente, at iyong mga bisita rin mismo," dagdag ni Moreno.

Tiniyak naman ng Maynilad na ilan sa kanilang mga water tanker ay ipadadala sa mga lugar na labis na apektado ng water interruption.

Nanganganib ding tumagal ang water interruption sa iba pang lugar sa Cavite gaya ng Kawit, Noveleta, Rosario at Cavite City.

--Ulat nina Doris Bigornia at Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.