PatrolPH

Mahigit P20 milyong halaga ng smuggled na sigarilyo, nakumpiska sa Zamboanga City

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2019 10:15 PM

ZAMBOANGA CITY - Mahigit P20 milyong halaga ng smuggled na sigarilyo ang nakumpiska ng Philippine Navy sa karagatan malapit sa Baliwasan Seaside sa Zamboanga City Huwebes ng madaling araw.

Nasa isang maliit na cargo vessel ang mga sigarilyo nang maharang ng mga tauhan ng Philippine Navy.

Ayon kay Segundo Sigmundfreud Barte Jr., district collector ng Bureau of Customs, umabot sa higit 700 kahon na naglalaman ng smuggled na sigarilyo ang isinakay sa cargo vessel.

Mula sa bansang Indonesia ang mga kontrabando at ipapasok sana sa Zamboanga City para ibenta.

Walang naipresentang dokumento at permit ang kapitan ng cargo vessel bilang patunay na legal ang kanilang dalang sigarilyo.

Inaasahang maglalabas ng warrant seizure and detention ang Bureau of Customs habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Sa Biyernes, inaasahan ring sisirain ng BOC ang mga nakumpiskang cigarettes gamit ang isang pison.

Isang paraan ito ng ahensya para maiwasang may magpupuslit pa ng mga kontrabando mula sa kanilang bodega.

Iniimbestigahan din ngayon ng Maritime Industry Authority ang cargo vessel dahil sa paglabag nito sa ilang regulasyon ng Philippine maritime laws.

Ipinagbabawal sa batas ang pagdala ng mga kontrabando gamit ang mga rehistradong cargo vessel.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.