Lalaking umakyat sa tore ng NGCP, nailigtas

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2019 09:56 PM

ZAMBOANGA CITY - Isang 21 anyos na lalaki ang nailigtas matapos umakyat sa transmission tower ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa Sitio Buenagatas, Barangay Boalan sa Zamboanga City nitong Huwebes ng hapon.

Ayon sa tiyahin ng lalaki, napagalitan ang kaniyang pamangkin ng mga magulang nito matapos itong magnakaw umano sa tindahan ng kanilang kaanak.

Naibalita rin ng isang istasyon ng radyo ang insidente at napahiya umano ang lalaki.

Matapos mapagalitan ng kaniyang mga magulang ay pumunta ang lalaki sa bahay ng kaniyang nobya, pero nagkaroon rin sila ng alitan.

Mula sa bahay ng nobya, dumiretso ang lalaki sa Sitio Buenagatas at umakyat sa isa sa mga transmission tower ng NGCP.

Dumating ang rescue unit ng Bureau of Fire Protection at pinag-isipan nila kung paano iligtas ang lalaki mula sa tuktok ng transmission tower.

Nakiusap din ang isang kamag-anak sa lalaki na huwag na ituloy ang kaniyang binabalak.

Pero habang umaakyat na ang mga rescuer sa tore, biglang kinuha ng lalaki ang isang itak at kutsilyo mula sa isang bag na kaniyang dala.

Bumaba muli ang mga rescuer at kumuha ng isang tower crane, habang patuloy pa rin ang pakiusap ng isang kaanak sa lalaki gamit ang megaphone.

Makalipas ang ilang minuto, inihulog ng lalaki ang kaniyang itak at kutsilyo.

Ilang minuto pa ang lumipas at kusa nang lumapit sa mga rescuer ang lalaki.

Ayon kay F02 Reggie Gaburno, isa sa mga personnel ng rescue team ng BFP, hindi naging madali ang pag-rescue sa lalaki mula sa transmission tower.

Nangangamba umano siya na baka biglang tumalon ang lalaki.

Kinausap niya umano ang lalaki at pinaintindi na mali ang kaniyang binabalak.

Naniwala naman sa kaniya ang lalaki at kusa na itong lumapit.

Ligtas na naibaba ang lalaki mula sa transmission tower gamit ang isang tower crane.

Agad siyang isinakay sa isang ambulansya at dinala sa isang ospital.

Ayon naman kay Captain Victor Suarez, deputy chief ng Police station 4, posibleng mahaharap sa kasong illegal possession of bladed weapon ang lalaki dahil sa dala nitong itak at kutsilyo.

Hinihikayat niya din ang management ng NGCP na magsampa ng kaso laban sa lalaki, dahil ito na ang pangalawang beses na umakyat siya sa transmission tower ng kumpanya.

Una itong umakyat sa tore ng NGCP noong Hunyo 3, kung saan inakyat niya ang tore ng NGCP sa Barangay Guisao matapos ang alitan nila ng kaniyang nobya.

Umabot din ng ilang oras bago nakumbinsi ang lalaki na bumaba mula sa transmission tower.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.