Lalaki binaril matapos ihatid ang anak sa eskuwelahan sa Negros Occidental

ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2019 06:14 PM | Updated as of Jun 20 2019 09:03 PM

Pinatay ang isang lalaki pagkatapos niyang ihatid ang kaniyang anak sa eskuwelahan sa Talisay City, Negros Occidental Huwebes.

Ayon kay Police Master Sergeant Pastor Celajes, case investigator, binaril si Ronald Nicavera, 38, ng 2 hindi pa nakikilalang lalaki sakay ng motorsiklo sa Barangay Concepcion mga alas-7 ng umaga.

Pauwi na sana ang biktima nang tambangan siya umano ng 2 suspek. Sabi ng pulis, pinagbabaril siya ng isa sa mga suspek habang nagsilbing lookout ang kasama.

Namataan na lang nakahandusay si Nicavera katabi ng kaniyang motorsiklo nang abutan ng mga awtoridad, ayon kay Celajes.

Ayon sa pamilya, walang kaaway si Nicavera.

Mayo 27 ng binaril din at napatay ng hindi pa nakikilalang suspek ang kapatid ni Ronald na si Ronilo sa Barangay 2 sa Bacolod.

Iimbestigahan din ng mga awtoridad kung may kinalaman ang pagbabaril kay Ronald sa pagbaril sa kanyang kapatid. - ulat ni Nico Delfin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.