Biktima ng investment scam sa Davao del Norte, umabot na sa halos 1,000

ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2019 12:41 AM

DAVAO DEL NORTE - Umabot na sa halos 1,000 katao ang nagreklamo sa pulisya matapos mabiktima sa ilang kompanya na sangkot umano sa investment scam sa Davao del Norte.

Humingi ng tulong sa mga awtoridad ang mga investor ng isang kompanya nang magsara ito bigla at naging household supplies na ang dating opisina nito.

Dumulog sa Tagum police ang isang kawani ng kompanya matapos siya ang napagbuntunan ng galit ng mga investor.

Ayon kay alyas Maria, nabigla rin siya sa pagsara ng kompanya, pero sinabi niyang kinuha umano ng liaison ang pera.

"Na-short 'yung pera. Kinuha ng liaison... Posibleng wala na talaga ang pera," aniya.

Samantala, nababahala naman ang isang investor dahil nasa P500,000 ang kaniyang ininvest na galing sa mga overseas Filipino worker (OFW).

Umaasa siyang maibalik ang kapital at kahit wala ng tubo na 300 porsiyento na ipinangako ng kompanya.

Hinihikayat naman ng mga pulis ang mga biktima na magsampa ng karampatang kaso.

Nitong Lunes, nasa 200 katao rin ang nagreklamo matapos mabiktima rin sa isa pang kompanya.

Kinasuhan na ng large-scale estafa ang ilang kawani ng Questlink Digital Marketing Services matapos umano nilang tangayin ang P200 million na galing sa kanilang mga investor. - Ulat ni Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.