Bahagi ng bundok sa Davao City gumuho

ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2019 05:51 PM

Gumuho ang bahagi ng bundok sa isang purok sa Davao City Miyerkoles ng hapon. 

Ayon sa residenteng si Serio Pansoy, nakarinig ng malakas na tunog ang kaniyang anak sa bahay nila sa Barangay 74-A Matina Crossing at paglabas nito, nakita na lang ng anak ang gumuhong lupa na may halong malalaking bato.

Wala namang naiulat na natabunan na bahay at nasaktan sa pagbagsak ng lupa mula sa nasabing bundok.

Ayon sa barangay disaster risk reduction and management council (BDRRMC) ng lugar, lumambot ang lupa dahil sa halos gabi-gabi na pagbuhos ng ulan sa Davao simula nong nakaraang linggo.

Nagpatupad ng pre-emptive evacuation sa ilang residente sa lugar ang BDRRMC, pero nagmatigas umano ang mga ito na manatili sa kanilang mga bahay dahil may kalayuan naman daw ang kanilang bahay sa binagsakan ng mga bato at lupa.

Nagbabala naman ang BDRRMC sa mga residente na mag-ingat lalo't idineklara na ng Pagasa ang rainy season at may peligro ng pagbaha at pagguho ng lupa. - Ulat ni Paul Palacio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.