ALAMIN: Parusa sa magpapakalat ng pribadong datos ng kostumer

ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2019 03:22 PM | Updated as of Jun 20 2019 03:41 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ipinaalala ng National Privacy Commission na mahalagang ingatan ng mga kompanya ang mga personal na impormasyon na natatanggap nila sa kanilang mga kostumer o empleyado.

Sa programang "Usapang de Campanilla" ng DZMM, ipinaliwanag ni NPC Commissioner Raymund Liboro na may karampatang parusa para sa sino mang magpapakalat ng personal na impormasyon na nakukuha nila mula sa ibang tao, alinsunod sa Data Privacy Act.

Aniya, mahalagang malaman ng kostumer kung para saan gagamitin ang datos na makukuha sa kaniya.
 
"Sa espirito ng transparency madaling masabi para saan at saan ggamitin ang impormasyong ito. So kailangan maliwanag sa iyo. 'Pag malabo yan hindi valid ang consent yan," ani Liboro.

Nilinaw naman ni Liboro na may karapatan ang ilang kompanya na gamitin ang personal na datos ng kanilang kostumer.

Pero iginiit niyang dapat ginagamit ang impormasyon nang naaayon sa napagkasunduang gagawin dito.

Maaaring ipakulong ng 1 hanggang 3 taon at pagmultahan ng P500,000 hanggang P20 milyon ang sino mang mapapatunayang magpapakalat ng pribadong impormasyon ng iba.

Kung sensitibo naman ang impormasyon, 3 hanggang 6 taong pagkakakulong ang maaaring ipataw sa mahahatulan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.