4 pulis huli sa pagsusugal, pag-inom sa QC

ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2019 08:23 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naaresto nitong madaling araw ng Huwebes ang 4 pulis na nakatalaga sa Camp Crame matapos umanong maaktuhang nagsusugal at umiinom sa pampublikong lugar sa Quezon City.

Kinilala ni Philippine National Police-Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) director Police Col. Romeo Caramat Jr. ang mga naaresto bilang sina Police Staff Sergeants Erwin Gobis at Gerry Ocampo, Police Senior Master Sgt. Demeterio Laroya, at Police Cpl. Ariel Pasion.

Nahuli sa akto ang 4 pulis-Crame na tumataya sa online sabong at umiinom nang salakayin ala-1 ng madaling araw ng PNP-IMEG ang isang establisimyento sa Barangay Bagong Lipunan, Cubao.

Bukod sa mga pulis-Crame, naaresto rin ang isang dismissed na pulis, isang non-uniformed personnel, at ang may-ari ng establisimyentong nangangasiwa ng ilegal na online sabong.

Nakuha sa lugar ang perang pantaya at mga gamit pansugal.

Nahaharap ang mga naaresto sa mga kasong grave misconduct, paglabag sa Anti-Illegal Gambling Act in relation to the Cybercrime Prevention Act of 2012, at paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Inaalam din ng PNP kung nagsilbing protektor ng pasugalan ang mga pulis.

-- May ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.