3 miyembro ng NPA sumuko sa militar sa Surigao del Norte

Charmane Awitan, ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2019 07:59 PM

PLACER, Surigao del Norte - Sumuko sa militar ang tatlong miyembro ng New People's Army dito, Martes.

Kinilala ang mga sumuko na sina alyas "Yam" at alyas "Ronie," kapwa 21, at alyas "Apol," 20. 

Kasabay ng kanilang pagsuko, bitbit din nila ang isang M4 Bushmaster rifle, isang AR-15 rifle, isang AK-47 rifle, dalawang anti-personnel mine at mga dokumento.

Ayon kay alyas Yam, sumuko sila dahil sa pressure at gutom habang iniiwasan ang military operations. 

Dagdag pa niya, marami na rin sa mga bago nilang recruit ang umalis sa grupo na walang paalam at nagtatago.

"This development is a big blow to the communist terrorists. As expected, they are doomed to fail," ani Lt. Col. Allen Raymund Tomas, Commanding Officer ng 30th Infantry Battalion.

Binigyan ng pagkain, damit at matitirahan ang mga sumukong rebelde habang ipoproseso pa ang kanilang benepisyo sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local integration Program o E-CLIP.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.