3 estudyante 'tumangay' ng bag sa arcade

ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2019 03:01 PM | Updated as of Jun 20 2019 03:12 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Idinadawit ngayon ang tatlong high school student sa paganakaw ng bag sa isang video game arcade sa Legazpi City.

Base sa kuha ng CCTV, dumating ang isang babae at isang lalaki sa play area ng naturang mall at inilapag ng lalaki ang bag sa tabi ng basketball play area.

Pero matapos maglaro, umalis ang dalawa at naiwan ang kanilang bag.

Pag-alis nila, sumilip umano ang isang babaeng naka-school uniform at saglit na umalis. Makalipas ang ilang minuto ay kasama na ng babae ang dalawa pang naka-uniporme rin saka tinangay umano ang bag.

Agad na ipina-blotter sa pulis ang insidente at ibinigay ang kopya ng CCTV.     

Ayon sa nanay ng babaeng biktimang si Lynn Guanzon, laman ng bag ang cellphone at wallet ng kaniyang anak na pinasabay niya lang sa bag ng kasamang lalaki.

Sa imbestigasyon ng PNP, lumabas na estudyante ng isang public high school sa lungsod ang tatlong estudyante.

Nakipag-ugnayan na rin umano sila sa pamunuan ng paaralan.

Ayon naman sa principal ng paaralan, umamin na ang tatlong estudyante at tiniyak niyang inaaksyunan na nila ang reklamo laban sa kanila.

--Ulat ni Karren Canon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.