270 pamilya sa Estero de Magdalena ililipat sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2019 07:17 PM | Updated as of Jun 20 2019 08:49 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nakatakdang ilikas ang nasa 270 pamilyang nakatira sa Estero De Magdalena sa Maynila dahil sa isinasagawang pagpapaganda at rehabilitasyon sa lugar.

Ililipat ang mga residente sa Trece Martires sa Cavite, at mabibigyan umano sila ng low-cost housing sa Barangay Cabuco. Binigyan din ng P18,000 ayuda ang mga residente.

Kapag tuluyan nang malinis ang lugar ay gagawin daw itong park na madadaanan ng mga pedestrian.

Nitong Huwebes, nagsimulang maghakot ang mga residente at nag-self-demolish na rin ang ilan sa kanila.

Pero may iilan, gaya ni Erlinda Baton, na nalulungkot sa paglilipat.
Sa pagre-relocate, hindi niya kasama ang kaniyang 12 anak. Tanging ang kaniyang mga alagang aso na sina Boyka at Tisay lang ang masasama niya.

Kahit may ayuda, mas pipiliin pa raw ni Baton, na apat na dekadang residente sa estero, na manatili roon.

"Buti kung isang milyon 'yun, P18,000, isang ano lang 'yun eh, di mapagkasya sa isang linggo 'yun, 'di maubos eh ubos na kaagad 'yun," ani Baton.

Kasama man si Elmo Baguio sa mga ililikas, aminado siyang kailangan pa niyang bumalik sa lugar para maghanapbuhay. Sa Maynila rin aniya naka-enroll ang kaniyang dalawang anak.

Nilinaw ni George Dela Rama, Public Informations Officer ng Advocacy and Tourism Division ng Pasig River Rehabilitation Commission, na hindi lang naman kaligtasan ng mga residente ang kanilang layunin kundi mabawasan din ang basurang itinatambak sa mga panubigan.

Babantayan daw nila ang lugar para masigurong hindi na babalik ang mga lumikas na residente.

"Tuturn-over natin 'yan sa barangay pag na-clear natin ang portion ng easement ay tu-turn over natin sa barangay para sila mangalaga so pananagutan ng barangay kung merong babalik,” ani Dela Rama.

Inaasahan na sa huling bahagi ng taon ay 900 pamilya na ang maililipat nila mula sa Estero de Magdalena.

--Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.