Umano’y NPA kumander, tiklo sa kasong pag-kidnap sa 2 sundalo

Jay Dayupay, ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2018 03:31 PM

Itinanggi ni Gideon Colano na sangkot siya sa pag-kidnap sa dalawang sundalo noong nakaraang Pebrero. Aniya, isa pa siya sa mga tumulong para mapalaya ang mga ito sa kamay ng New People's Army.

ALABEL, Sarangani Province – Kalaboso sa manhunt operation ng pwersa ng Alabel at Columbio Municipal Police Station ang isa umanong kumander ng New People’s Army dahil sa kasong kidnapping at illegal detention ng dalawang sundalo Pebrero ng nakaraang taon.

Ayon kay Police Senior Inspector Benjie Ancheta, hepe ng Alabel Municipal Police Station, si Gideon Colano ay may kinalaman umano sa pagdukot kina Sgt. Solaiman Calocop at Private First Class Samuel Garay, mga sundalo ng 39th Infantry Battalion, sa Sultan Kudarat.

Dala ang warrant of arrest, nahuli si Colano sa bahay niya sa Barangay Alegria sa Alabel.

Aminado si Colano na dati siyang miyembro ng NPA pero nagbalik-loob na umano sa gobyerno noon pang 2002 at nagtrabaho pa bilang staff sa munisipyo ng Columbio sa Sultan Kudarat. 

Itinanggi niyang lider siya ng Guerilla Front 72 ng NPA pero iginiit niya na isa umano siya sa mga tumulong para mapalaya ang dalawang dinukot na sundalo.

“Nagtaka nga ako na nadawit ako diyan kasi inamin ng NPA na sila yong nag-abduct na sundalo. Tumulong pa kami sa pag-facilitate sa pagka-release nila, sa pag-rescue andun pa kami. Kaya hindi totoo yan," pahayag ni Colano.

Dagdag naman ng pulisya, matagal nang alam ni Colano na may warrant of arrest siya kaya daw ito pumunta sa Sarangani para magtago. Itinanggi naman ito ni Colano.

Bukod kay Colano, may 13 pang suspek na kasama sa arrest warrant at patuloy na pinaghahanap ngayon ng awtoridad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.