Pagtatapos ng higit 2,000 mag-aaral ng MSU, itinuloy sa kabila ng gulo sa Tubaran

Roxanne R. Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2018 06:52 PM

ILIGAN CITY - Hindi napigil ng bakbakan sa Tubaran, Lanao del Sur ang pagtatapos ng mga mag-aaral ng Mindanao State University (MSU) sa Marawi City Miyerkoles.

Ito’y sa kabila ng usap-usapang tatangkaing pasukin ng mga terorista ang unibersidad upang makapanggulo o kaya’y makapag-recruit.

Tiniyak ng unibersidad na mahigpit ang seguridad upang hindi makalapit ang mga miyembro ng Maute group, ang grupong nasa likod ng pagkubkob sa Marawi City noong nakaraang taon. 

"The military and MSU security forces have plotted a plan [on] how to prevent the coming of these recruiters," ani Dr. Habib Macaayong, presidente ng MSU System.

Wala rin umanong nakukuhang suporta mula sa mga dayuhang fighters ang mga natitira sa grupo na ngayo'y pinamumunuan ni Owayda Benito Marohomsar. 

“I believe sa ngayon wala kaming namo-monitor and we are happy we are able to constrict the possibility of international terrorists to be coming in here," ani Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Lt. Gen. Carlito Galvez na panauhin sa graduation ceremony ng MSU.

Minaliit ni Galvez ang natitirang miyembro ng Maute group at umaasang madali nilang matatapos ang operations laban sa grupo. 

“We want to involve the stake holders especially the Ulamas so that we can constrict 'yung kanilang (Maute) maneuver space,” dagdag ni Galvez.

Matatandaang isinara ang MSU noong mga unang buwan ng bakbakan ng mga terorista at sundalo sa Marawi City. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.