Mag-ina, huli sa Batangas buy-bust

ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2018 05:02 AM

BATANGAS - Arestado ang isang mag-ina sa ikinasang buy-bust operation sa Barangay Poblacion 3, Batangas City Martes ng gabi.

Narekober sa kanila ang 58 sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P1.5 milyon.

Isinagawa ng Batangas Police Provincial Intelligence Branch ang buy-bust sa loob ng bahay ng mag-ina.

Dito naaresto ang mag-inang si alyas Pearl, 82-anyos, at alyas Jane, 59-anyos na tinuturong distributor umano ng ilegal na droga sa lugar.

Nahuli din ang kanilang kaanak na si alyas Edmund na umano'y nagsisilbing runner sa kanilang negosyo.

Ayon sa pulisya, ikinasa ang buy-bust matapos silang makatanggap ng impormasyon ukol sa mag-ina.

Itinanggi naman ng mga nahuli na sangkot sila sa pagtutulak.

Inabutan din ng mga pulis ang dating live-in partner ni Edmund na kalalaya lang din sa parehong kaso. 

Binalaan na aniya si Edmund ukol sa ilegal na gawain pero hindi ito nakinig sa kaniya.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. - ulat ni Mariz Laksamana, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.