Japanese national na may dalang higit sa P9-M cash sa airport, hinarang

Jude Torres, ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2018 05:59 PM

Ipinakita ni BoC Commissioner Isidro Lapeña ang nakumpiskang pera mula sa banyagang Hapon sa Mactan-Cebu International Airport noong Hunyo 12, 2018.

CEBU CITY - Hinarang ng Bureau of Customs ang isang Japanese national na may dalang malaking halaga ng salapi na hindi nakadeklara noong Hunyo 12 sa Mactan-Cebu International Airport.

Ayon kay Customs Commissioner Isidro Lapeña, hinarang si Yuki Sakaguchi matapos itong makitaan mula sa kaniyang posesyon ng 20 million yen o katumbas ng higit sa P9-milyong cash nang dumaan sa x-ray ng airport.

Paliwanag ng BOC, ang mga dayuhan ay pinapayagang magdala ng halagang katumbas sa US$10,000 ngunit kung hihigit dito, kailangan nilang ideklara ang perang dadalhin sa loob ng bansa.

Nagpiyansa na rin si Sakaguchi sa halagang P60,000 noong Hunyo 18 dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act at Bangko Sentral ng Pilipinas Circular no. 922-2016.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.