Hinuling 'tambay,' nakitang patay sa kulungan; 'Oplan Tambay,' nais ipatigil

ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2018 10:40 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sumisigaw ng katarungan ang pamilya ng isang lalaki na natagpuang patay sa loob ng kulungan matapos hulihin sa isinagawang Oplan Galugad ng awtoridad sa Novaliches, Quezon City. 

May mga sugat at pasa sa iba't ibang bahagi ng katawan ang ikinulong na si Genesis Argoncillo alyas Tisoy nang makita ito na wala nang buhay nitong Lunes.

"Sobra-sobra [ang] ginawa nila, binaboy nila [ang] katawan, sana mabigyan naman hustisya ang kapatid ko," ani Marilou Argoncillo, kapatid ng nasawi.

"Wala naman siyang ginawang krimen eh, sabi niyo noong hinuli niyo, ire-release niyo siya," ani Marilou sa mga pulis na dumakip sa kapatid niya.

Biyernes ng gabi nang magsagawa ng Oplan Galugad ang Quezon City Police District (QCPD) station 4 at dinakip si Genesis dahil sa umano'y panggugulo.

Ayon naman sa mga residente sa lugar, nakaupo lamang si Genesis sa isang tindahan na kalapit ng bahay nito nang damputin ito ng pulisya.

Giit naman ng QCPD, nanghamon umano ng away ang grupo ni Genesis nang makita ng mga pulis kaya't nakulong ito sa kasong alarm and scandal.

Dalawang araw mula nang makulong si Genesis ay napansin ng mga kasamahan nitong preso na wala na itong malay. 

Ayon sa pulisya, posibleng ang biktima mismo ang gumawa ng mga sugat sa katawan nito.

"'Yong mga pasa niya siguro, self-inflicted 'yan siguro dahil sa hindi kaayaaya na 'yong sitwasyon sa detention cell," ani Supt. Carlito Grijaldo, hepe ng QCPD Station 4.

Hindi naman ito pinaniniwalaan ng pamilya ni Genesis. Anila, malakas at walang sakit si Genesis nang bisitahin nila ito sa kulungan.

"Dinalaw noong Linggo 'yan...healthy siya, imposible na Lunes mamatay ang bata tapos ang daming pasa...I-segregate naman natin ang kriminal at hindi kriminal," ani Erma Aducal, tiyahin ng nasawi.

Bukas naman ang QCPD sa anumang imbestigasyon sa pagkamatay ng biktima.

Pagtigil sa kampanya kontra tambay

Nais ipasuspinde ng ilang progresibong grupo at senador ang iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte na mas maigting na panghuhuli sa mga pakalat-kalat sa lansangan.

Watch more in iWant or TFC.tv

Anila, kailangan munang balangkasin ang mga batayan sa panghuhuli ng tambay upang hindi malabag ang karapatang pantao.

"Kinikilala natin ang mga layunin ng operasyon laban sa mga 'tambay.' Gayunpaman, nangangailangan ang implementasyon nito ng maliwanag na panuntunan...laban sa paglabag sa karapatang pantao," ani Sen. Grace Poe.

Ayon sa isang party-list, mas kailangan na matugunan ang kakulangan ng trabaho sa bansa.

"Bakit ba tambay, alam naman siguro ng ating Presidente [Duterte] bakit marami, 4.1 milyon, ang walang trabaho dito sa ating bansa," pasubali ng ACT Teachers Rep. France Castro.

Proteksiyon ng batas

Nagpaalala ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) sa karapatan ng mga hinuhuli ng awtoridad.

Anila, kasama sa mandato ng pulisya ang pagsasabi sa sinisita kung ano ang krimeng nagawa nito.

"Walang puwedeng hulihin kapag walang ginagawang krimen o kasalanan sa presence ng isang arresting officer," saad ni IBP president Dan Abdiel Fajardo.

"Ang pagtayo ba sa kanto or pag-upo sa kanto at pakikipag-usap sa ibang tao, 'yan ba ay ibig sabihin may krimen?" dagdag ni Fajardo.

Kung bibitbitin ng pulisya, mas mainam aniya na magdala ang sinisita ng kakilala nito na puwedeng tumayo bilang testigo.

-- May ulat ni Angel Movido at Willard Cheng, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.