Estudyante umaming nanaksak ng kahera dahil 'puyat kaka-computer'

ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2018 12:33 PM | Updated as of Jun 20 2018 03:04 PM

May mga bakas ng dugo sa sahig ng convenience store kung saan pinatay ng isang estudyante ang kahera. Larawan mula sa Lipa police

LIPA, Batangas - Inamin ng isang estudyante na napatay niya ang kahera ng isang convenience store sa lungsod na ito, Miyerkoles, nang magdilim ang kaniyang paningin dahil sa labis na puyat mula sa paggamit ng computer.

Umorder pa ng kape ang suspek sa convenience store sa Barangay Sico bago niya pinagsasaksak ang 34-anyos na kahera gamit ang kutsilyo ng tindahan at tangayin ang P13,000 kita nito, sabi ng pulisya.

Natagpuan sa crime scene ang pitaka ng suspek na may lamang ID, litrato at ATM card.

Dahil dito, natunton ang suspek sa kaniyang bahay sa Lipa. Narekober doon ang ilang damit na may bakas ng dugo.

"Nagdilim lang po talaga yung paningin ko... puyat po kaka-computer po, yun lang naman po eh," sabi ng estudyante.

"Humihingi lang po talaga ako ng pasensya sa pamilya nung napatay po. Anuman pong parusang matanggap ko, tatanggapin ko naman po," dagdag niya.
 
Isasalang ng pulisya sa drug test ang suspek kahit pa una na nitong itinangging gumagamit siya ng bawal na gamot.

Ulat ni Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.