Cargo vessel sumadsad sa Sarangani Bay, mga coral napinsala

Jay Dayupay, ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2018 11:21 AM | Updated as of Jun 20 2018 12:02 PM

Tinatayang aabot sa P700,000 ang halaga ng danyos sa corals at reef domes dahil sa pagsadsad ng MV HTK Energy sa Queen Tuna Park sa Sarangani Bay. Photo courtesy of Protected Area Management Board

GENERAL SANTOS CITY – Isang cargo vessel ang sumadsad matapos na madala ng malakas na hanging at alon malapit sa dalampasigan ng Queen Tuna Park, Lunes ng hapon, na nagdulot ng tinatayang P700,000 na pinsala sa mga coral at reef dome sa lugar.

Lunes na ng gabi nang matanggal sa pagkakasadsad ang MV HTK Energy, na karamihan sa mga pahinante ay Vietnamese. Wala namang karga ang barko na nakatakda sanang magkarga ng mga kopra, ani Petty Officer Second Class Cirilo Galleposo, assistant station commander ng Philippine Coast Guard-General Santos Station.

Walang na-monitor na oil spill pero lumabas sa underwater assessment na may mahigit sa 100 artificial reef domes ang nasira dahil sa pagsadsad ng barko.

May corals ding nasira sa mga reef domes, ayon sa environment management specialist na si Katherine Lopez. Aabot sa P700,000 ang halaga ng pinsala, aniya.

Isang protected seascape ang Sarangani Bay kaya nahaharap sa kasong paglabag sa National Integrated Protected Areas System Act at paglabag din sa Philippine Fisheries Code ang may-ari ng barko na HTK Shipping and Import Export Company Ltd.

Hindi naman pwedeng umalis ng General Santos Port ang cargo vessel kung hindi pa nito nababayaran ang multa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.