Akyat-bahay na nanloob sa condo unit sa Pasig arestado

ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2018 09:42 AM | Updated as of Jun 20 2018 10:43 AM

MAYNILA - Arestado ang dalawang akyat-bahay na nagnanakaw umano sa loob ng isang condominium unit sa siyudad ng Pasig ngayong Miyerkoles.

Ayon kay Carl Obero, may-ari ng unit, nagulat na lamang siya na magulo ang kanyang tinitirahan nang datnan niya ito. Agad siyang tumawag sa pulis.

"Nagkalat ang gamit ko pati pagkain namin, yung chips namin kinain pa," aniya.

Tiyempo namang nakita ng mga awtoridad ang mga suspek na pasimpleng lumabas sa gusali. Nagtangka pa silang tumakbo palayo pero nahuli rin ang lalaki at ang isa pa niyang kasama.

Nang iharap kay Obero, nakita niyang suot pa ng isa sa mga suspek ang damit niya. Marami ring gamit mula sa kanyang kuwarto ang nakita sa mga bag na dala ng mga suspek.

Dinala na sa presinto ang mga suspek para sampahan ng reklamo.--ulat mula kay Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.