37 nag-iinuman at nakahubad sa Cavite, hinuli

ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2018 06:07 AM

CAVITE - Dinampot ng mga pulis ang 37 katao matapos lumabag sa iba't ibang ordinansa sa lalawigan ng Cavite.

Sa Dasmariñas, nahuli ang 16 lalaki na nag-iinuman sa kalsada.

Nahuli rin ang 21 iba pa sa Kawit dahil sa paglabag sa ordinansa, kabilang na rito ang mga nakahubad o walang suot na damit pang-itaas.

Ayon kay Senior Supt. William Segun, direktor ng Cavite police, binigyan muna nila ng warning ang mga nahuli.

Hindi naman alam ng ilang lalaki ang mga ordinansa at nangakong hindi na uulit.

Inikot din ni Segun ang iba't ibang community precinct at police outpost sa Cavite.

Nadiskubre niyang may mga opisinang iisa lang ang pulis na naka-duty. May ilan din ang nakasara dahil sa kakulangan ng tao.

Idinulog na raw nila ang problema sa Camp Crame para masolusyonan ito. - ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.