17 anyos na lalaki, patay nang masagasaan ng trak sa Isabela

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2018 09:34 PM

SANTIAGO CITY—Patay ang 17-anyos na lalaki matapos masagasaan ng trak Miyerkoles ng umaga.

Nakahandusay sa national highway ng Barangay Batal si Vicente Madronio nang makita ng kaniyang mga magulang.

Ayon sa inang si Joan, tumatawid ang kaniyang anak nang bigla siyang bumagsak. Saktong dumaan naman ang isang trak at nasagasaan ang biktima.

"Kung may puso lang sana siya kanina, inatras niya 'yan, buhay sana 'yung anak ko. Puwede ko pang itakbo sa ospital, pero hindi siya naawa, sinagasaan niya pa," aniya.

Magdadala sana ng bigas sa Maynila ang trak nang mangyari ang aksidente.

Giit ng drayber ng trak na si Manuel Silva, kasalanan umano ng biktima kung bakit ito nabangga. Nakatalikod umano ito sa kalsada habang tumatawid.

"Bumusina ako, binusinahan ko siya pero tuloy-tuloy 'yung lakad niya paatras kaya bigla na lang pong napansin kong tumama na 'yung tao kaya huminto na ako," ani Silva.

Hindi muna nagbigay ng pahayag ang imbestigador sa kaso pero aniya, tinitingnan din nila ang iba pang dahilan kaya naaksidente ang biktima.

Ayon kay Joan, may epilepsy ang kaniyang anak.

Dinala na sa presinto si Silva na posibleng maharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.