1 patay, 1 sugatan sa banggaan sa South Cotabato

Jay Dayupay, ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2018 05:19 PM

SANTO NIÑO, South Cotabato - Patay ang isang lalaki matapos mabangga ng pick-up ang sinasakyan niyang motorsiklo, Linggo ng gabi sa Barangay Panay dito.

Sa imbestigasyon ng awtoridad, tinatahak ng dalawang sasakyan ang magkaibang direksiyon ng national highway.

Bigla umanong lumiko ang motorsiklo habang paparating ang pick-up na minamaneho ni Joselito Develos, isang konsehal sa Lake Sebu.

Sa lakas ng salpukan, tumilapon ang driver ng motorsiklo na kinilalang si Jeremie Tirado.

“Malapit na kasi [si Tirado] sa bahay niya kaya nag-cut siya. Siguro na-underestimate niya 'yong pick-up, akala niya malayo pa,” pahayag ni Insp. Diogenes Hare, hepe ng Santo Niño Police Station.

Nagtamo si Tirado ng matinding head injury, dahilan ng agaran nitong pagkamatay.

Sumalpok naman sa isang puno sa gilid ng highway ang pick-up pero ligtas ang mga sakay nito, kabilang ang misis ni Develos at dalawa nilang anak.

Nagtamo naman ng minor injury ang konsehal.

Tinanggap ng pamilya ni Tirado ang areglo ng konsehal lalo’t problemado ang misis ng biktima sa kinabukasan ng apat nilang mga anak. 

Hindi na sakop ng speed limit zone sa bayan ang Barangay Panay kaya payo ng awtoridad, pag-ibayuhin ang pag-iingat sa pagmamaneho lalo na sa national highway.

Ngayong buwan lang, mahigit 10 aksidente na ang naitala sa bayan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.