Tanong ng mga 'bakwit': Puwede na bang umuwi?

ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2017 06:30 PM | Updated as of Jun 21 2017 12:52 AM

Mga bakwit, umaasang makakabalik na sa kani-kanilang bahay

Normal na pamumuhay ang hinahanap-hanap ngayon ng mga residenteng lumikas mula sa karahasan sa Marawi. Isang buwan mula nang sumiklab ang bakbakan, lubhang nabago ang pang-araw-araw na gawi ng mga ‘bakwit’.

Kung dati-rati’y nakakapagsalo sila sa mga lutong-bahay habang nasa hapag kainan, ngayon kailangang magkasya ng mga pamilya sa rasyong sardinas at instant noodles na kadalasa’y pinapapak na parang tsitsirya ng mga paslit.

Hindi rin daw nalalayo sa de-latang sardinas ang sitwasyon ng mga mag-anak na nagsisiksikan sa evacuation center.

Sa isang evacuation center sa Balo-i, Lanao del Norte, 172 na pamilya o katumbas ng mahigit 1,000 indibidwal ang naghahati-hati sa napakalimitadong espasyo. Nasa dalawang metro kuwadrado lang ang ginagalawan ng bawat mag-anak. Sa espasyong halos kasinglaki lang ng karaniwang looban ng isang kotse, natutulog, kumakain, at nag-aabang ng mas payapang bukas ang mga lumikas na pamilya.

Ayon sa social worker ng evacuation center na si Saipodin Mamintong, madalas magtanong ang mga bakwit kung puwede na ba silang umuwi sa kani-kanilang tahanan sa Marawi. Tulad ng mga pamilyang pinagsisilbihan, bakwit din si Mamintong kaya naiiintindihan niya ang pagnanais ng marami na magbalik-normal ang sitwasyon. Pero kailangan ni Mamintong ipaunawa sa mga kapwa bakwit na wala pa ring katiyakan kung kailan matatapos ang sigalot. Imposible ring balikan ang mga naiwang bahay sa ngayon, dahil baka buhay ang maging kapalit nito.

May iba namang pamilyang 'bakwit' na piniling magpunta sa Kamaynilaan para lalong makalayo sa hidwaan.

Paalala ni Department of Social Welfare and Development Secretary (DSWD) Judy Taguiwalo sa evacuees na pansamantalang nakikituloy sa Metro Manila, magdala ng ID at magpalista sa lokal na pamahalaan para maisama sila sa mga bibigyang tulong ng gobyerno.

Inihahanda na rin ng DSWD ang P5,000 cash assistance para magamit pansimula ng mga biktima ng krisis sa Marawi.

Sibilyang ‘napalibutan’ ng Maute, nakatakas

Milagro marahil na maituturing ang pagkakatakas ng sibilyang si Ruben Rodin mula sa kamay ng mga teroristang Maute. Nasa ikatlong palapag siya ng tinutuluyang boarding house nang magtago naman ang Maute sa unang palapag. 

Kagabi, nakahanap ng tiyempo si Rodin sa gitna ng kaliwa’t kanang pagsabog at putukan. Pumuslit siya habang napapa-engkuwentro raw ang tinatayang 10 teroristang nasa paligid lang niya. Dali-dali siyang pumunta sa pantalan at mula roo’y lumangoy hanggang kinaumagahan.

Samantala, walang kawala pa rin sa mga tama ng bala ang mismong kapitolyo ng Marawi. Nitong umaga lang, may panibagong balang bumagsak sa loob ng compound ng kapitolyo. Kagabi, napatakbo papasok ng kapitolyo at napatago rin sa tabi ng mga sasakyan at kongkretong pader ang mga nasa labas ng gusali dahil sa pagtama ng mga bala sa lugar. 

Paliwanag ng militar, hindi maiiwasan ang ligaw na bala lalo't sa kapitolyo umano nakaharap ang mga kalabang Maute. Matatandaang sa kapitolyo tinamaan ng bala kamakailan ang dayuhang mamamahayag na si Adam Harvey. 

May mga evacuee rin sa loob ng compound ng kapitolyo, kaya pinapayuhan sila ng lokal na pamahalaan at ng militar na manatili lagi sa loob ng mga kongkretong gusali.

-- Ulat nina Jorge Cariño at Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.