Ospital sa karatig-bayan ng Marawi, umaapaw sa pasyente

ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2017 06:17 PM

Punong puno na ng pasyente ang isang district hospital sa Lanao del Sur dahil ito ang puntahan ng mga pasyenteng nagkakasakit mula sa Marawi. Ganito man ang sitwasyon, ayaw pa ring lumipat ng ospital ang mga pasyente.

Sa hallway na ng Balindong District Hospital nakapuwesto ang folding bed na hinihigaan ng anim na buwang sanggol ni Monaisa. Lumikas mula Marawi ang mag-ina.

Sa kasamaang palad, nagka-dengue ang sanggol na si Amer, at ngayon ay may mga sugat na ito sa labi dahil sa dehydration. Hindi ito makainom ng gatas dahil sa mga sugat sa labi. 

Ikatlong araw na ni Amer sa nasabing ospital, ngunit tinitiis ng mag-ina ang sitwasyon kahit pa puno ito ng mga pasyente, evacuees man o hindi. 

Sampung kama lang ang kapasidad ng ospital, ngunit umabot ngayon sa 50 hanggang 60 ang mga pasyente. 

Ang Amai Pakpak Hospital sa Marawi ang pinakamalapit na referral hospital ng Balindong Hospital. Mas maganda at kumpleto rin ang pasilidad doon, ngunit ayaw na nilang bumalik sa Marawi.

"Delikado doon e, baka masali pa kami sa ano doon. Mabuti pa rito, maayos naman dito. Sacrifice na lang, dito na lang. Magiging okay naman siya. Nawala na 'yung lagnat niya," ayon kay Monaisa. 

Maliban sa sanggol sa hallway, mayroon ding mga nakapuwesto na sa waiting area sa labas ng ospital. Mayroon ding mga wala pang higaan. 

Sa loob naman ng ward, may ilang kamang tigdadalawa ang pasyente.

Aminado naman ang Provincial Health Office ng Lanao del Sur na hindi nila masisi ang mga pasyenteng ayaw nang bumalik sa Marawi. Hindi rin naman nila maaaring paalisin ang mga pasyente, kaya pinipilit na lang nilang gawan ng paraan. 

"Binigyan kami ng gamot in addition to our scarce resources. Humingi kami ng tulong sa kanila para 'yung mga kababayan natin, matugunan 'yung pangangailangan," ayon kay Dr. Alinader Minalang, Provincial Health Officer ng Lanao del Sur. 

Sa magkahiwalay na bilang ng Department of Health sa Autonomous Region in Muslim Mindanao at sa DOH ng Region 10, 24 na evacuees na ang namamatay dahil sa iba't ibang klaseng sakit tulad ng dehydration, pneumonia, at iba pa. 

-- Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.