Memo tungkol sa plano ng Maute, peke ayon sa PNP

ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2017 11:26 AM

Pinabulaanan ng Philippine National Police ang isang Valenzuela police memo na kumakalat sa social media tungkol sa umano'y planong pambobomba sa ilang bahagi ng Metro Manila.

Bilang sagot sa isang netizen, sinabi ng PNP sa kanilang Twitter account na peke ang nasabing memo na nagmula umano sa Station Intelligence Branch ng Valenzuela Police.

Nauna nang iniutos ng National Capital Region Police Office ang imbestigasyon sa nasabing memo.

Ayon kay NCRPO Director Oscar Albayalde, umikot sa social media ang dokumento bago pa man nila makumpirma ang katotohanan sa nilalaman nito.

Pinaiimbestigahan na rin kay Northern Police District Director Bong Fajardo ang proseso ng paghahawak sa mga dokumento ng Valenzuela Police Station dahil sa pagkalat nito.

"Following this, I have ordered the Northern Police District Director Bong Fajardo to investigate the document handling procedure at the Valenzuela Police Station," ayon kay Albayalde sa isang pahayag noong Martes.

Hinihikayat din ng NCRPO ang publiko na ihinto ang pagpapakalat ng mga dokumentong hindi pa nabeberipika.

Nagpasalamat din si Albayalde sa mga taong nagpaabot sa kanila ng impormasyon tungkol sa nasabing kumakalat na dokumento.

"We also express our gratitude to concerned individuals & our friends from the media who are the first inform us about the document. This is vigilance in action," aniya.

Ang nasabing internal police memo na may petsang June 16 ay tungkol sa isang planong pambobomba umano ng grupong Maute sa ilang bahagi ng Metro Manila gaya ng Quiapo, Maynila, Quezon City, at Makati.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.