Lasing na sekyu, nanggulo umano sa Eton Centris

ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2017 05:13 AM | Updated as of Jun 21 2017 09:03 AM

MANILA - (2nd UPDATE) Inilagay sa lockdown ang bahagi ng Eton Centris commercial complex sa Quezon City, Miyerkoles matapos magwala ang isang security guard ng establisyemento.

Sa paunang impormasyon, naglasing ang suspek dahil kailangan ng operasyon ang anak nito at hindi niya alam kung saan kukuha ng pera.

Nang malasing, tinutukan umano ng guwardiya ang nasa 4 na indibidwal na naglalaro ng isang mobile gaming app sa lugar.

Hinabol ng iba pang security guard ang suspek, pero tumakbo at nagkulong ito sa security office sa Cyberpod 1 building ng Centris.

Dito na nagreport sa pulisya ang mga kasamahan ng suspek. Pero pagdating ng mga pulis, tinutukan umano sila ng guwardiya bagama't hindi ito nagpaputok.

Pasado alas-6 ng umaga, dumating sa Centris ang misis ng guwardiya at si Chief Supt. Guillermo Eleazar, hepe ng Quezon City Police District (QCPD), para kausapin ang suspek.

Nilinaw naman ni Chief Superintendent Oscar Albayalde, direktor ng National Capital Region Police Office (NCRPO), na walang hawak na hostage ang suspek.

"Contained po siya sa isang room lang and of course, mayroon po tayong directive na kapag lumabas siya, kailangang arestuhin na," ani Albayalde sa panayam ng "Umagang Kay Ganda" sa ABS-CBN.

Hanggang pasado alas-7 ng umaga, naka-lockdown pa rin ang kalsada sa pagitin ng Centris Station building at Cyberpod 1.

Lumabas naman ang suspek at sumuko, pasado alas-8 ng umaga.

Tinitiyak naman ng mga tauhan ng QCPD Special Weapons and Tactics ang seguridad sa paligid.

Sa kabila ng insidente, business as usual sa ibang gusali ng commercial complex, kung saan pinapapasok pa rin ang mga call center agent na nag-oopisina doon.

Tumanggi ang pulisya na ilabas muna ang pagkakakilanlan ng suspek.

- Ulat mula kina Bianca Dava, Fred Cipres at Josiah Saynes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.