Ilang heavy equipment, sinilaban ng nagpakilalang NPA sa Palawan

Chinee Palatino, ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2017 04:37 PM

Sinilaban ng nagpakilalang mga kasapi ng New People’s Army (NPA) ang ilang heavy equipment na matatagpuan sa dalawang barangay sa bayan ng San Vicente sa Palawan.

Ayon sa spot report ng pulisya, nai-report sa kanila ang insidente ng panununog madaling araw ng Martes.

Base sa ulat, dakong alas-11:30 ng gabi ng Lunes nang dumating umano ang may 40-50 nagpakilalang NPA sa Sitio Ombon, Purok Pag-Asa, Barangay New Capino at binuhusan ng gasolina ang mga heavy equipment na nakaparada doon.

Ayon sa dump truck driver na si Ray Carlos Factor, natutulog siya nang dumating ang mga rebelde at sinabing malaki ang atraso ng kumpanya sa kanila at ibinaba na ang hatol ng bayan.

Sinilaban ng mga suspek ang 1 dump truck, 2 backhoe, 1 grader komatsu at 1 compactor.

Nasundan pa ito ng isa pang panununog dakong alas-12 ng madaling araw ng Martes sa Purok Pagkakaisa sa Barangay New Canipo, tatlong kilometro lamang ang layo mula sa Sitio Ombon.

Doon, sinilaban din ng mga umano'y rebelde ang 1 backhoe at dalawang dump truck.

Tinatayang aabot sa higit sa P40-milyon ang halaga ng mga nasunog na heavy equipment.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.