'Fake rice' sa San Juan, pinabulaanan ng tindero

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2017 10:55 AM | Updated as of Jun 20 2017 11:34 AM

MAYNILA - Isa pang kaso ng umano'y pekeng bigas ang ipinupukol sa Agora Mall sa San Juan City nang magreklamo ang isang Anthony Cheng sa kanyang nabili sa isang tindahan doon.

Ayon kay Cheng, bagama't maganda ang pagkakaluto sa bigas, magaspang ito sa bibig at hindi man lang dumidikit sa kamay nang kanyang durugin.

"Binilog ko siya at sinubukan ko patalbugin katulad ng mga napapanood ko sa Facebook. Kayo na lang po maghusga sa mga pictures at videos," aniya.

Nakausap naman ng Radyo Patrol si Egardo Espedillion, ang nagtinda ng bigas kay Cheng, na mariing itinanggi ang akusasyon sa kanyang paninda.

Ayon kay Espedillon, posibleng mali lamang ang pagkakaluto ni Cheng sa bigas kaya magaspang ito sa bibig at hindi dumidikit sa kamay.

Sa katunayan, nagpadala na si Espedillon nang sampol ng bigas sa National Food Authority (NFA) upang imbestigahan ang kanyang paninda.

Ipinakita rin niya sa Radyo Patrol ang kanyang tindang bigas.

Ikinalungkot naman ng mga taga-Agora Mall ang mga akusasyon sapagkat apektado na anila ang kanilang benta.

Kuwento ni Emiliano Pillarina, isa pang nagbebenta ng bigas sa Agora, malabong may nagtitinda sa kanila ng pekeng bigas dahil paggawa pa lang nito ay magastos na.

Una nang iginiit ng National Food Authority (NFA) na walang pekeng bigas sa bansa.

Kung plastic umano ang ihahalo sa bigas, hamak na mas magiging mahal iyon kompara sa tunay na pagkain.

Paliwanag pa ng NFA, kung matagal mang mapanis ang kanin, posibleng dahil iyon sa klase ng bigas.

Payo ng NFA sa publiko, kung nag-aalangan sa biniling bigas, magpadala lang sa kanilang tanggapan ng sampol, lalo na kung may kakaiba sa hitsura, amoy, at lasa nito.

Samantala, nagkaharap na si Espedillon at Cheng sa administration office ng Agora Mall para dinggin ang parehong panig.

Hindi na muna nagbigay ng komento ang dalawa habang patuloy ang imbestigasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.