PatrolPH

VP Leni Robredo pinangunahan ang inagurasyon ng Team Naga

ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2022 08:42 AM | Updated as of Jun 19 2022 12:03 PM

MANILA — Nasa Camarines Sur si outgoing Vice President Leni Robredo nitong Sabado para panumpain ang mga nanalo noong Halalan 2022 sa Naga City sa pangunguna ni second-termer Mayor Nelson Legacion, 12 araw bago ang opisyal na pagbaba niya sa pwesto sa Hunyo 30.

Dumalo si VP Leni Robredo sa inaugural ceremony ni Mayor Nelson Legacion, pati na rin ang inaugural ceremony para naman sa 14th Sangguniang Panlungsod ng Naga City sa Plaza Quezon sa Camarines Sur nitong Hunyo 18, 2022. Courtesy of Vice President Leni Robredo Facebook
Dumalo si VP Leni Robredo sa inaugural ceremony ni Mayor Nelson Legacion, pati na rin ang inaugural ceremony para naman sa 14th Sangguniang Panlungsod ng Naga City sa Plaza Quezon sa Camarines Sur nitong Hunyo 18, 2022. Courtesy of Vice President Leni Robredo Facebook

Ginanap ang okasyon sa makasaysayang Plaza Quezon. Dito rin pormal na nag-umpisa ang kampanya ni Robredo sa pagkapangulo noong Pebrero.

Sa talumpati niya, muli niyang pinasalamatan ang mga kababayan dahil bukod sa nanguna sa lungsod ang Leni-Kiko tandem at TRoPang Angat, ipinanalo rin nila ang buong Team Naga.

Kilala ang Team Naga sa slogan na “Ubos kun ubos, gabos kun gabos” na nag-umpisa noong mayor pa ng Naga ang namayapang asawa ni Robredo na si dating Interior Secretary Jesse Robredo.

“Binilang ko, sa ikasampung pagkakataon na, mula 1992. Ang pagkapanalong ito, alam nating hindi tsamba; patunay ito ng matino at epektibong pamamahala, na hanggang ngayon ay nakaangkla sa paniniwalang ang kapangyarihan, laging nasa kamay ng ordinaryong Nagueño,” wika ni Robredo sa salitang Bikol.

Inamin naman ni Robredo na kinabahan siya sa resulta ng mga nagdaang halalan sa Naga dahil sa talamak na paggamit ng pera ng ilang kandidato para makakuha ng boto.

“Ang lagi ko pong pakiusap: Patuloy nating pangalagaan ang pinakamamahal nating siyudad, lalo na para sa susunod na henerasyon. Maswerte po tayo dahil karamihan sa ating constituents, buo pa ang pananalig at marunong pang manindigan sa tama. Pero ang pagkabahala, naririyan pa rin—na kung hindi tayo magbabantay, baka hindi natin mamalayang unti-unti na palang nakakabalik ‘yung klase ng pulitikang matagal na nating iwinaksi dito sa Naga,” saad pa ni Robredo.

Umaasa rin si Robredo na pag-iibayuhin ng mga nanumpang opisyal na patuloy na maging magandang halimbawa ang Naga sa pagsusulong ng good governance.

Inaasahang pamumunuan ni Robredo ang organisasyong "Angat Buhay" sa pagbaba niya sa puwesto, tulad ng ipinangako niya sa kanyang mga tagasuporta pagkatapos ng halalan.

Courtesy of Vice President Leni Robredo FB 
Courtesy of Vice President Leni Robredo FB 

Samantala, isinabay ang oath-taking ceremony sa pagdiriwang ng 74th Charter Anniversary ng Naga, kaya isinapubliko na rin ang logo ng diamond jubilee celebration ng lungsod sa 2023.

—Ulat ni Jonathan Magistrado

FROM THE ARCHIVES:

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.