Van bumangga sa concrete barrier sa EDSA; 3 sugatan

ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2020 06:45 AM

MAYNILA - Inararo ng isang van ang mga concrete barrier ng bus lanes sa northbound ng EDSA sa Barangka Ilaya, Mandaluyong City Huwebes ng gabi.

Tumagilid ang puting van nang gumulong ito pagkatama sa unang concrete barrier pagkalagpas ng Guadalupe Bridge bandang alas-9:50 ng gabi.

Tanggal ang front bumper nito at wasak ang mga bintana.

Sugatan ang driver ng van na si Dennis Ortiz, 49, at dalawang lalaking pasahero.

Aminadong nakainom din ang driver bago ang biyahe. Nakita ang tatlong bote ng beer sa loob ng sasakyan.

Kuwento ni Ortiz, galing silang Makati at pabalik ng Cubao. Hindi umano niya napansin ang mga barrier na nagmamarka ng dedicated bus lane malapit sa center Island.

Inilabas na ang mga pasahero pagkatapos bigyan ng paunang lunas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.