Substation ng electric cooperative sa Camarines Norte, nasunog

Rizza Mostar, ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2020 04:40 PM


LABO, Camarines Norte - Sumiklab ang apoy sa loob ng 5 MVA substation ng Camarines Norte Electric Cooperative sa Purok 3, Barangay Talobatib sa bayang ito, Biyernes ng umaga. 

Agad namang naapula ng mga bombero ang apoy. 

"Pagdating nung fire truck, ang nakikita lang natin puro usok pa. Siguro within 30 seconds lumabas na siya, 'yung malaking apoy kasi ang content ng structure nung substation puro oil 'yun kaya nag-umpisa muna siyang mag-usok then nung naabot niya na 'yung heat required lumabas 'yung malaking apoy," paliwanag ni Fire Insp. Ronaldo Mojal, Fire Marshall ng Labo.

 

Iniimbestigahan pa ang pinagmulan ng sunog sa power transformer na pansamantalang nagdulot din ng pagkawala ng kuryente sa nasabing bayan.

Alas-8:45 ng umaga nang makontrol ng BFP ang sunog at mga alas-10 nang maibalik ang suplay ng kuryente na kinargo muna ng substation sa bayan ng Talisay.

"OK naman 'yung loading, mayroon po kaming monitoring nung loading. Kaya po siyang i-accomodate 'yung load po ng Talisay substation," sabi naan ni Zandro Gestiada, general manager ng CANORECO.

Sa tantya ng BFP, nasa P2.8 milyon ang halaga ng napinsala ng sunog. Wala namang nasaktan sa insidente.