PatrolPH

SILIPIN: Plano ng motorcycle taxis sakaling magbalik-operasyon sa ‘new normal’

ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2020 04:58 PM | Updated as of Jun 19 2020 08:51 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - May mga inilatag nang mga plano ang mga ride hailing app service provider sakaling payagan na magbalik-operasyon sa gitna ng pangamba sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang kanilang motorcycle taxis. 

Ang Joyride, nagsagawa na ng road test para sa kanilang mga disenyo. 

Nakamanipis na personal protective equipment ang kanilang mga rider. 

Gawa naman sa plastic at may foam ang loob nito. 

Sa shield din hahawak ang mga pasahero. Ito ay para masundan ang physical distancing habang pumapasada, paliwanag ni Joyride VP for Corporate Affairs Noli Eala. 

“Yung physical distancing ay mabibigyan ng lunas kung ito ay lalagyan na nitong shield. Kasi ganyan din naman ang prinsipyo sa ibang sasakyan. ‘Pag sumakay halimbawa sa isang taxi or TNVS, yung mga tricycle meron lang naman plastic in between yung nagmamaneho at pasahero. Itong gagawin namin, hindi lang ito simple plastic. Ito ay makapal para hindi maipasa ang virus,” ani Eala. 

Hinihimok din nilang gumamit ng sariling helmet ang pasahero. 

Ganito rin ang panukala ng Angkas. Pero mas magaan ang kanilang planong shield para hindi apektado ang pagmamaneho ng kanilang mga rider. 

"May flaps po siya sa side for aerodynamics. Plastic po ito so it is very firm and sturdy and also malleable… Apart from it stopping the transmission of the virus through the pag-coughing po or pag-sneezing, ang importante din po hindi ito maging sagabal sa pagmo-motor," ani Angkas head for regulatory and public affairs George Royeca. 

Booking details ng app ang gagawing basehan para sa “contact tracing,” sakaling isa sa pasahero o kaya rider ang mahahawahan ng virus. 

Kung tutuusin, ayon sa Department of Transportation, paso na ang ginagawang pag-aaral kung ligtas ito, ngayong tapos na ang trial period ng mga motorcycle taxi. 

Pero naghihintay sila ng batas na maipasa para legal na silang makapamasada. 

“The pilot study (trial period) of motorcycle taxis had already expired last April. We already submitted our recommendations to the HOR and are awaiting their action if they will be allowed to continue operations. So, technically, there is nothing to resume in the meantime, unless a new law is passed legalizing their operations as a public transport mode,” ayon sa DoTr sa isang pahayag. 

Kaya sa ngayon, hanggang plano muna ang mga motorcycle taxi hanggang hindi pa aprubado ng gobyerno ang panukala.

— Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.