PatrolPH

Robredo di kailangang maging bahagi ng IATF para makatulong: Malacañang

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2020 04:03 PM

MAYNILA — Bumuwelta si Presidential Spokesperson Harry Roque sa banat ni dating Sen. Antonio Trillanes IV na ipaubaya kay Vice President Leni Robredo ang pamamalakad sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) na siyang responsable sa pagtugon ng bansa sa pandemyang COVID-19. 

"Let us not make an issue when there is none... We call on Mr. Trillanes not to twist my statement for the sake of political relevance and just do his share to alleviate the plight of our people amid this pandemic," ani Roque. 

Bago nito, hinamon ni Trillanes ang Palasyo na i-appoint si Robredo sa IATF bilang chair dahil tiyak umanong mas marami itong magagawa at sigurado umanong mas maganda ang kampanya kontra sa virus. 

"Kung ang amo ni Roque na si [Rodrigo] Duterte ay patulog-tulog, si Vice President Leni ay halos wala nang pahinga sa paghahanap ng mga paraan kung paano makatutulong sa mga Pilipino," sabi ni Trillanes.

Pero sabi ni Roque, iniintriga lang siya ni Trillanes at kinikilala naman ng Palasyo ang ginagawa ni Robredo kontra sa pagkalat ng coronavirus. Hindi na rin umano kailangan pang isali si Robredo sa IATF.

"She (Robredo) is helping in her own ways and if her intentions are genuine, there is no need for her to be appointed or designated in the IATF as suggested by the former Senator," sabi ni Roque. 

Sa huling ulat ng Department of Health, nasa 27,799 ang bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas, 1,116 dito ang nasawi at 7,090 naman ang nakarekober. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.