PhilHealth chief, Roque nagpatutsadahan sa umano'y anomalya sa ahensiya

Raphael Bosano, ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2020 06:35 PM | Updated as of Jun 19 2020 09:36 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Maraming Pinoy ang naalarma sa suhestiyon ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na suspendihin ang tuluyang pagpapatupad ng Universal Health Care (UHC) sa taong 2021 sa pangambang kakapusin ang budget para pondohan ito. 

"Natatakot akong magpunta sa hospital baka mamaya magbayad lang ako... Di ko ginagamit ang PhilHealth akala ko mauubusan ng pondo," ani Mario Villanueva, miyembro ng PhilHealth. 

Sa ilalim ng UHC, layong gawing miyembro ang bawat Pilipino at gawing abot-kaya ang tulong medikal lalo sa mga nakatira sa malalayong lugar. Pero naantala ang tuluyang pagpapatupad nito dahil din sa kakulangan ng pondo. 

Ayon kay PhilHealth President and CEO Ricardo Morales, posibleng kapusin na ng pondo ang UHC dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Pero sabi ng tagapagsalita ng ahensiya, hindi mawawala ang benepisyo ng PhilHealth. 

"I want to clarify that PhilHealth will still continue to pay for its existing benefits package, in-patient, 'yung dialysis... We would like to say that availment of benefits will not be a problem. They can still continue to avail of their benefits this year even succeeding years because we are talking with our financial managers to solve the problem of fund sustainability," ani Shirley Domingo.

Nilinaw din ni Domingo na hindi suspensyon kundi pagpapaliban lang sa pagpapatupad ng ilang probisyon ng UHC ang minumungkahi ni Morales. 

PATUTSADA

Samantala, nagpatutsada naman si Morales sa hirit ni Presidential Spokesman Harry Roque na umano'y bigo siyang tanggalin ang aniya'y katiwalian sa ahensiya. 

Maalalang sinabi ni Roque na maaaring may P154 bilyon ang nawawala sa PhilHealth sa korupsyon, na itinatanggi naman ni Morales.

"Ang masasabi ko kay Atty. Roque, be my guest. My family will be very grateful if they can find somebody, baka siya. No problem with me. But he’s not the President, he’s the spokesman so these are two different things... Roque does not have access to the operating figures of PhilHealth, so I wonder where he got those figures," ani Morales. 

Sinagot naman muli ni Roque si Morales at sinabing hindi dapat nito pinepersonal ang mga pahayag niya.

"It is tragic that Mr. Morales is taking things personally... I enjoin cavalier Morales to engage in self-examination whether he has made our people trust PhilHealth and whether his continued service in the agency would be a service to this nation which we both love so dearly, or whether his talents can be better utilized elsewhere." ani Roque.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.