Mga taga-DOH bumaba ang morale dahil sa Ombudsman probe: Vergeire

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2020 04:11 PM


MAYNILA — Nagpahayag ng pagsuporta ang Department of Health (DOH) sa kalihim nitong si Francisco Duque III sa gitna ng isinasagawang imbestigasyon ng Ombudsman sa umano'y posibleng anomalya sa pag-handle ng kagawaran sa COVID-19 pandemic.

Sa virtual presser ni DOH Spokesperson Maria Rosario Vergeire, sinabi ng opisyal na hindi naman kailangan na lumiban pa sa trabaho o tuluyang magbitiw si Duque.

"Sana naiintindihan po ng mga tao, kaya po nakakayanan ng mga undersecretaries ang aming trabaho dahil meron po kaming leader na katulad ni Secretary Duque. So napakaimportante po ng isang leader sa isang organisasyon. Kahit po nakaupo lang siya dyan pero kung siya po ay nirerespeto at siya ay nakakapagbigay ng kumpiyansa... So we have our full support to the secretary and we still think that he should be retained dito po sa kaniyang posisyon," ani Vergeire.

Ayon kay Vergeire, wala pa silang natatanggap na pormal na komunikasyon mula sa Office of the Ombudsman kaugnay ng ginagawa nitong imbestigasyon. 

Pero sinabi nito na naghahanda na rin sila para sa naturang imbestigasyon at bukas naman aniya ang DOH para dito. 

Aminado si Vergeire na ikinalungkot nila ang inabot ng kanilang mga kasamahan sa kagawaran na kinakailangang sumailalim sa imbestigasyon ng Ombudsman.

"Yung morale talaga ay bumaba dahil syempre nakikita natin na talaga namang nagtatrabaho ang ating mga kawani tapos ito nga merong ganito," aniya. 

Umaasa ang opisyal na hindi ito magiging dahilan para magkahati-hati ang mga kawani ng DOH para labanan ang hindi pa rin natatapos na pandemyang COVID-19.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.