Mga fiesta sa Leyte dapat 'virtual' muna - Gov. Petilla

ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2020 04:09 PM | Updated as of Jun 19 2020 04:11 PM

Ang Pintados-Kasadyaan Festival sa Tacloban City noong Hunyo 2017. ABS-CBN News/File

MAYNILA - Iminungkahi ni Leyte Gov. Dominic Petilla na gawing virtual na muna ang mga nakagawiang pagdiriwang ng mga fiesta sa lalawigan bilang hakbang laban sa pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

“Mayroon tayong 'yung iba gusto pa rin nilang ipalabas pa rin 'yung culture, 'yung Sto.Niño, pero siguro virtual na lang, mayroon tayong activities na virtual,” pahayag ni Petilla sa panayam sa ABS-CBN Teleradyo Biyernes ng umaga.

Magugunitang kinansela ng pamahalaang panlalawigan ng Leyte ang pinakaaabangang Pintados-Kasadyaan festival para hindi na kumalat pa ang nakahahawang virus.

“We have cancelled that,” sabi niya.

Watch more in iWantTFC

Maging sa pagdaraos ng mga misa kaugnay sa mga piyesta ay may koordinasyon din sa mga alkalde ng mga bayan, mga parish priest at diocese para matiyak na maoobserbahan ang physical distancing protocol.

“Para safe pa rin ang mga tao,” banggit niya.

Samantala, pinaiigting naman ng lalawigan ang pag-test sa mga stranded na taong bumabalik sa probinsya.

“We try to test as many as possible sa PCR (polymerase chain reaction) test, 'yung mga dumadating. Ang Leyte mayroon pa rin tayong quarantine 'pag dumadating sila dito,” sabi ni Petilla.

Tumaas ang kaso ng COVID-19 sa ilang mga bayan ng Leyte tulad ng Baybay, Alang-Alang, Bato at Dagami, at karamihan dito ay mga kababalik lamang sa probinsiya. 
 
“Karamihan ay mga imported cases as far as data is concerned. We have very few, mga 3 or 4 cases na parang may mga naospital na locals tapos nung na-swab doon nagpositibo,” anang gobernador.

Pero tiniyak niya na mababa ang tiyansa na makapanghawa sila dahil agad naman silang sinusundo papunta sa quarantine area pagdating sa probinsiya. 

Mayroon ding koordinasyong nangyayari sa pagitan ng mga local government units ng Leyte at mga ahensiya ng gobyerno hinggil sa mga magsisiuwiang tao sa kanilang probinsiya.

“Sinasalubong 'yun ng mga local governments at dinadala sa quarantine, doon sina-swab agad. 'Pag negative, puwede na siyang pumunta sa bahay nila. 'Pag positive, natural dyan ka muna sa isolation, maiwan ka,” paliwanag niya.

Aniya, ang mas nakababahala pa ay ang kaso ng nagpositibo pero hindi maipaliwanag kung saan nakuha ang virus.

“We just have to ensure sa contact tracing na wala siyang nahawa,” sabi niya.

Paniwala si Petilla na malaking tulong ang pagkakaroon ng dalawang testing facility sa lalawigan. Hiling lang niya na sana ay wala sa mga medical worker ng dalawang testing facility and mahawa sa sakit. 

“Sana 'wag tamaan kasi mag stop operations niyan,” saad niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.