Mga empleyado ng Duty-Free kinuwestiyon ang pagkaubos ng pera ng kompanya

Mike Navallo, ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2020 06:22 PM | Updated as of Jun 20 2020 02:40 AM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA (UPDATE)— Ilang buwan nang sarado ang Duty-Free shops sa buong bansa, kasunod ng pagpapatupad ng community quarantine ng gobyerno dahil sa pandemyang COVID-19.

Pero ikinagulat ng may higit 800 empleyado nito nang biglang inanunsyo sa isang liham ng kanilang CEO na si Vicente Angala noong Mayo 27 ang posibilidad ng pagsasara ng Duty-Free Philippines Corporation (DFPC).
 
Paliwanag ni Angala, sa computation ng kanilang crisis management committee, mula sa cash balance na P1.1 bilyon noong Marso, aabot sa P89 milyon ang kanilang fiscal deficit sa katapusan ng Hunyo. Ibig sabihin, mas malaki ang kanilang gastos kaysa sa kita.

"Humingi na tayo ng agarang tulong sa Department of Tourism (DOT), ang ating mother agency, Governance Commission for GOCCs, Civil Service Commission at sa Department of Budget and Management. Pero apat na linggo na lang bago matapos ang June 2020, pero wala pa rin ang inaasahang tulong, subsidies and reliefs," ani Angala sa liham.

Sinusubukan din anilang humingi ng pahintulot na makapagnegosyo para makabayad sa suweldo ng mga tauhan.

Ikinabahala ng unyon ng Duty-Free ang pahayag ni Angala, lalo't dalawang araw matapos nito, ipinasara agad-agad ng Duty-Free ang kanilang mga tindahan sa Bacolod, Davao, Iloilo, Clark at Kalibo international airports.

Sumulat ang unyon sa pamunuan ng Duty-Free at maging sa DOT para hingin ang detalye ng umano'y pagkalugi ng Duty-Free.

"Tingnan niyo muna yung finances. Kailangan bang magsara o mismanaged. Saan napunta ang pera? Hindi mo ba talaga kami kayang paswelduhin? Sa laki ng budget ng duty free," ani Alexander Sablan, presidente ng United Workers of Duty-Free Philippines.

Pinagpapaliwanag ni DOT Secretary Bernadette Romulo-Puyat si Angala kung paano naubos ang pera ng Duty-Free gayong dalawang buwan pa lang naman itong hindi nagbebenta.

"[W]e seek a detailed explanation on how our resources have been quickly depleted in a span of two (2) months and why this is so given that DFPC has been operating as a GOCC... As Chairperson of the Board of Directors, my position is clear – prioritize and ensure the wages and salaries of the employees during this difficult period," ani Puyat sa liham noong Hunyo 4.

Sumulat din si Puyat sa Department of Justice para tanungin kung may basehan ba para huwag munang bayaran ng Duty-Free ang mga obligasyon nito na aabot sa P895 milyon para hindi mapilitang magbawas ng tao.

Pero sa liham ni Puyat, hindi niya binanggit ang posibleng pagsasara sa Duty Free kundi ang plano ng management ng kumpanya na magpatupad ng reorganization plan na magbabawas ng halos 400 empleyado, bagay na hindi pa rin katanggap-tanggap para sa unyon.

"Ang panawagan namin kay Presidente Duterte, tingnan niya, imbestigahan niya mga namumuno sa Duty Free. Huwag nilang pag-initan ang mga empleyado... Mismanagement 'yan eh," ani Sablan.

Sa isang pahayag Biyernes, kinumpirma ni Puyat ang kanyang sulat sa DOJ.

“We reiterate that our most urgent concern, in this case, is the livelihood and well-being of DFPC employees, especially the rank-and-file. Arriving at the best and timely arrangement securing the employment of our DFPC workers is our top priority,” aniya.

Ayon sa sources ng ABS-CBN News, inihahanda pa lang ng Office of the Government Corporate Counsel ang kanilang opinyon na ipapasa naman sa DOJ.
 
Sa isang pahayag, sinabi ni Angala na walang natatanggap na subsidiya ang Duty Free mula sa gobyerno at nakadepende lamang sa kikitain nito sa pagbebenta ng mga produkto.

Dati na rin umanong may reorganization plan para magbawas ng tao at ang posibleng pagsasara ay magkakatotoo lang kapag hindi nasunod ang kanilang mga rekomendasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.