Lalaking nagkaimpeksyon sa bituka nanawagan ng pampagamot

Kevin Manalo, ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2020 04:31 PM | Updated as of Jun 19 2020 09:31 PM

Nasa 10 porsiyento lang ng kanyang kinakain ang natatanggap ng kanyang katawan habang ang 90 porsiyento ay tumatagas sa kaniyang tagiliran. Screengrab

MAYNILA — Nananawagan ng tulong ang isang 20 taong gulang na lalaki para maipagamot ang kaniyang impeksyon sa bituka. 

Nakaupo sa tapat ng kanilang munting bahay si John Paul Ordoña o Pau. Nakasilong siya sa sirang payong at kinakalawang na bubong. 

Graduating na sana sa senior high school si Ordoña pero nagka-appendicitis siya noong isang taon. 

Matapos ang operasyon, nagkaimpeksiyon siya sa bituka at kinailangang tanggalin ang ilang bahagi nito. Pero imbes na gumaling, lumala ang kaniyang sakit.

Watch more in iWantTFC

"Naoperahan ako. Okay naman po 2 weeks kaya lang nagnana na. 
Sabi po ng pangalawang doktor po nakita sa CT scan kumalat 'yung nana... Nadamay bituka. Noong operahan sa appendicitis kinausap si mama, iyung bituka ko raw po buhol-buhol. Nung natahi na po nila nung binuksan nagnana," ani Ordoña. 

Kinabitan pa siya ng tubo sa tagiliran kung saan lumalabas ang hindi niya matunaw na pagkain.

Nasa 10 porsiyento lang ng kanyang kinakain ang natatanggap ng kanyang katawan habang ang 90 porsiyento ay tumatagas sa kaniyang tagiliran.

Kaya malaki ang ibinaba ng kaniyang timbang at nagbago ang kulay ng kanyang balat. 

"Umaasa po kami sa bigay. Umaasa po kami kung saan-saan. Nanghihingi si mama lalo ngayon pahirapan dahil pandemic," aniya. 

Kaya nananawagan si Mary Ann Gonzales, ina ni Pau, ng tulong na gamot at pagkain. 

"Unahin ko muna siya bago ako... Kailangan magsara sugat sa tyan niya. Nangako ang doktor na ooperahan siya. Kaya lang naninigas siya. Kailangan niya palakas," ani Gonzales.

May hiling din si Ordoña sa mga nais tumulong. 

"Sa lahat po ng makakanood po o makakakita... Sana po matulungan niyo ako sa araw-araw na gastusin. Sana po kahit kaunti lang po. Gamot po, pagkain. Puro vitamins po potassium at multivitamins. Saka po colostomy bag," hiling ng binara. 

Narito ang detalye kung saan maaaring mag-donate para kay Ordoña:

• Mobile number: 09563641649 
• Email: johnpaulordona98@gmail.com
• GCash: 09615970932

Bank deposit:
Name: John Paul Ordoña
Account no: 2649-3101-46 (BPI)

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.