Lalaki pinatay sa taga sa harap ng anak sa GenSan

Yen Mangompit, ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2020 04:05 PM

Pinatay sa taga sa harap mismo ng kaniyang 10-taong gulang na anak sa loob ng kanilang bahay sa General Santos City ang biktimang si Tirso Quiño. Larawan mula sa pamilya ni Tirso Quiño


GENERAL SANTOS CITY - Patay ang isang 44-anyos na lalaki matapos pagtatagain sa loob ng kaniyang bahay sa harap mismo ng kaniyang anak, Huwebes ng gabi.

Nagtamo ng tatlong taga sa katawan ang biktimang si Tirso Quiño ng Barangay San Isidro.

Kuwento ng kaniyang bayaw na si Jonic Falsario, narinig na lamang nila na humihingi ng tulong ang biktima.

"Nakarinig kami ng sigaw niya na 'tulong,' so 'yung ate ko lumabas. At saka 'yung kapatid ko sumigaw rin ng 'tulong-tulong.' Ako, pumunta ako doon tiningnan ko 'yung bayaw ko kung bakit siya sumigaw ng tulong. 'Yun nakita ko ma'am, duguan na," sabi ni Falsario. 

Nanghihilot at minsan pumapasada sa traysikel ang biktima. Ayon sa pamilya, wala silang nalalaman na may kaalitan ito. 

Sa imbestigasyon ng mga pulis, sakay ng dalawang motorsiklo ang apat na kalalakihang suspek sa pagpatay kay Quiño. 

Tatlo sa mga ito ang dumaan sa likod ng bahay ng biktima, habang ang isa, nagsilbing lookout.

"Pero kung titingnan mo 'yung crime scene parang planado kasi mayroon pang motorsiklo sa labas, mga 30 meters away from the crime scene," sabi ni Lt. Ben Venus ng Police Station 4. 

Hanggang ngayon ay hindi pa rin umano makausap ang 10-taong gulang na anak ng biktima dahil sa trauma. Siya ang pangunahing testigo sa kaso dahil mismong sa harap niya pinatay ang kaniyang ama.

“Pumasok na pinagtataga. Tatlo ang nagtaga. Nakita talaga ng anak na 10-years old. At pag-alis ng perpetrator ginanon pa (pinatahimik) 'yung bata," sabi ni Venus. 

Hindi pa malinaw sa ngayon ang motibo sa krimen. Nakatakda namang umuwi sa bansa ang misis ni Quiño na nagtatrabaho sa Kuwait. 

Hiling ng pamilya na mabigyan ng hustisya ang walang-awang pagpatay sa biktima na para sa pamilya ay isang mabuting ama. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.