PatrolPH

Lalaki namigay ng ayuda sa 100 namamalimos na jeepney driver

Bayan Mo, Ipatrol Mo

Posted at Jun 19 2020 03:01 PM | Updated as of Jun 19 2020 04:16 PM

MANILA — Namigay ng tig-P100 ang isang lalaki sa 100 jeepney driver na napilitang mamalimos habang hindi pa rin sila pinapayagang mamasada ng gobyerno sa kabila ng pagluluwag ng coronavirus lockdown sa bansa. 

Kuwento ni Jinn Barbatos, nadadaanan niya ang grupo ng mga tsuper sa Mabini Avenue, Caloocan City at Rizal Avenue, Manila tuwing nagde-deliver siya ng mga produktong itinitinda niya sa internet. 

Tinulungan umano siya ng mga kaanak at kaibigan na mabuo sa loob nang 4 na oras noong Martes ang kaniyang target na P10,000 na ayuda para sa kaniyang "Project 100/100." 

Suot ang anti-virus mask, namigay ng cash si Barbatos sa mga driver nitong Huwebes ng umaga. 

"Naawa po ako sa kanila kasi iba ngiti nila sa mukha at lahat nagpasalamat, may mga nagsabi pa ng 'God bless,'" kuwento niya sa ABS-CBN News. 



 
Balak ni Barbatos na balikan ang mga driver upang muling maghatid ng tulong. 

Maaaring payagan ng gobyerno ang mga jeepney driver na magbalik sa kalsada kung papasa sa health standards, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque nitong Huwebes. 

"Pinag-aaralan po pero may possibility po," sabi ng opisyal. 

Sa ilalim ng general community quarantine at modified GCQ, limitado lang ang operasyon ng train, bus, taxi, at ride-share services. 

Napipilitang mamalimos ang maraming jeepney driver dahil iilan lamang ang nakatanggap ng ayuda mula sa gobyerno, ayon sa transport groups na Piston, Fejodap at Acto. 

Batay sa ulat ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso nitong Lunes, nakapagbigay na ng cash aid ang pamahalaan sa nasa 98,100 na ride-hailing at public utility drivers sa Metro Manila. Hindi nakasaad sa ulat kung ilan dito ang driver ng jeepney. 

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.