Karamihan sa mga bagong COVID-19 patients sa Tanauan, Batangas dumalo sa piyesta

Andrew Bernardo, ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2020 01:43 AM | Updated as of Jun 19 2020 06:58 AM

TANAUAN, Batangas - Hindi naitago ni Tanauan City Mayor Sweet Halili sa isang emergency meeting nitong Huwebes ang pagkadismaya sa paglobo ng kaso ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod na ito.

Siyam kasi ng panibagong kaso ang naitala sa mga barangay ng Luyos at Darasa, na karamihan ay nagkahawaan dahil dumalo sa isang pistahan.

"Actually, ayoko ng magsabi ng please kasi sinabihan na kayo. Please kami ng please, 'please stay at home, please comply', ginagawa na namin lahat. Kung gusto niyong maging normal ang lahat ng buhay natin, please sumunod naman kayo,” ani Halili.

"Dahil sa katigasan ng ulo niyo, sinabi naman sa inyo na huwag ng mamiesta, eh namiesta pa." 

"You are risking everyone's safety and health and risking lives of everyone else, hindi tayo immune. Iniisip nyo hindi tayo tatablan ayan sana matuto kayo,” dagdag ng alkalde.

Iniutos ni Halili ang na isailalim sa lockdown ang Luyos, Darasa, at Poblacion 2 dahil sa mga naitalang COVID-19 cases dito.

Authorized persons outside residence (APOR) lang ang papayagang makalabas ng bahay pero dapat nakasuot ng face mask.

Inatasan na rin niya ang pulisya na arestuhin at kasuhan ang mga lalabag sa protocols ng general community quarantine, lalo na ang di nagsusuot ng face mask at nagbabalewala sa physical distancing at liquor ban, na kasalukuyang iniimplementa sa Tanauan.

Nagsasagawa na ng contact tracing ang city health office matapos magpositibo sa COVID-19 ang isang kawani ng city hall, na isinara na muna.

Hindi pa tiyak kung kailan magbabalik ang operasyon sa city hall pero nananatili namang bukas ang mga taggapan na nakapalibot rito.--Ulat ni Andrew Bernardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.