PatrolPH

'Instant hero': Guro sa Ilocos Sur umakyat ng bundok para i-enrol mga estudyanteng walang internet

ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2020 02:18 PM

 

Isang guro sa Ilocos Sur ang hinirang na bayani matapos tulungan sa remote enrollment ang mga mag-aaral na walang maayos na internet connection. 

Mula sa pag-akyat ng bundok para makasagap ng maayos na internet signal hanggang sa paggastos ng sariling pera para sa load ng kaniyang pocket wifi, hindi nag-atubili ang math teacher na si Efren Cabotage para tulungan ang mga estudyante sa enrollment. 

Ito'y sa gitna ng patuloy na remote enrollment sa mga paaralan ngayong buwan habang nariyan pa ang banta ng coronavirus disease 2019. Wala rin munang physical classes sa pagbubukas ng eskuwela sa Agosto 24. 

Sa Facebook post ng Narvacan National Central High School, makikita ang kinailangang daanan ni Cabotage para makakuha ng maayos na signal para ma-enrol ang mga bata kasabay din ng pagdalo ng mga webinar.

Sa paglalathala, may 40 estudyante na siyang nai-enrol mula sa kaniyang barangay at mga katabing lugar nito. Aniya, handa siyang ma-ienrol ang iba pang mga bata.

"They just have to study hard and consider their parents' sacrifices. They have to do their best to graduate. I've been there, on that kind of situation, so I'll be there, to make that situation lighter," sinabi ni Cabotage sa Facebook post.

Ayon sa guro, minsan na rin siyang nasa sitwasyon ng mga bata kaya n'ya ito ginagawa. "Kung kinaya ko, kakayanin rin nila." 

Tinawag naman ng paaralan si Narvacan na isang "instant hero."

Nauna nang nagpahayag ng alinlangan ang ilang guro sa online classes dahil sa kawalan ng maayos na internet connection sa ilang lugar sa bansa.

Department of Education na rin mismo ang nagsabing libo-libong guro ang walang gadgets at internet connection na kakailanganin para sa online learning.

BASAHIN

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.